“Anong ibig mong sabihin, Brent?” nagtatakang tanong ni Leah. Nag-uumpisa na silang kumain sa Japanese restaurant.
“Ang kuwento n’yo at kuwento namin ay halos magkatulad. Kung ang nagkasala sa inyo ay ang papa mo, sa amin naman ay ang nanay ko.’’
“Nanay mo ang nagtaksil?’”
Tumango si Brent.
Naghintay si Leah sa mga ikukuwento ni Brent. Natatandaan ni Leah na bago nagpaalam si Brent noong Linggo na dalawin siya, may mahalaga itong ipagtatapat sa kanya.
“’Yan ba yung sinabi mong ipagtatapat sa akin?’’
“Oo.’’
Sa pagitan ng pagkain nila, ikinuwento ni Brent ang mga nangyari. Nakikinig na mabuti si Leah. Hindi siya makapaniwala na pareho ang nangyari sa kanila.
Parang pinagtagpo sila ng kapalaran ni Brent. Totoo palang may ganitong pangyayari. Ang akala ni Leah, sila lamang ang nakaranas ng ganun kasamang karanasan — meron pa palang iba at kabilang ang pamilya ni Brent.
Nang matapos ikuwento ni Brent ang lahat, hindi agad nakapagsalita si Leah. Wala siyang masabi.
“Di ba nagkakapareho, Leah? Ang naranasan at naramdaman mo, naramdaman ko rin. Umiyak ka nun at ako man ay umiyak din. Napakasakit nang nangyari na akala ko, wala nang katapusan. Akala ko, wala nang solusyon ang lahat.’’
Napatangu-tango si Leah. Yun din ang akala niya nang layasan sila ng kanyang papa. (Itutuloy)