Suklam (106)

Isang linggo makaraang ilibing ang ina ni Brent, dumalaw sa kani­lang bahay si Diana, ang matalik na kaibigan ng kanyang ina. May binigay ito na nasa brown envelope.

“Ibigay ko raw ito sa inyo kapag namatay na siya. Para raw sa inyong tatlo ito.’’

Ang tatay ni Brent ang umabot sa brown envelope. Nang buksan, may lamang pera at sulat.

Binasa ng tatay ang sulat: “Naipon ko ang perang ito at para sa inyong tatlo. Hindi naman ito kalakihan pero kahit paano ay makapag-aalis din marahil nang mala­king galit na nadarama ninyo sa akin. Pasensiya na kayo sa mga nagawa kong kasalanan. Sana mapatawad ninyo akong tatlo.”

Tiniklop ni Tatay ang sulat at sinilid uli sa envelope na may pera. Nang maisilid ay saka tumulo ang luha. Nag-unahan sa pagtulo sa pisngi nito.

“Siguro ay maligaya na siya sa kinaroroonan dahil napatawad na ninyo siya. Hindi na marahil mag­hihirap ang kaluluwa niya,’’ sabi ni Diana.

Napatango si Tatay at kasunod ding napatango sina Brent at France.

Maya-maya, nagpaalam na si Diana.

“Salamat Diana sa pag­kupkop mo sa aking asawa,’’ sabi ni Tatay.

“Wala ka pong aalalahanin,’’ sabi ni Diana at umalis na. (Itutuloy)

Show comments