(Wakas)

IKINASAL sina JC at Angel at ang special guests nila ay si Shappira at ang Fil-Am na asawa nito. Dumating sina Shappira isang buwan bago ang kasal kaya marami silang napuntahan at nabisita kabilang ang mga ipinagagawang eskuwelahan para sa elementarya. Sa loob lamang ng isang taon ay maraming naipatayo si Shappira sa pamamagitan ng Dioscora Foundation.

Sa reception ng kasal nina JC at Angel ay naging madam­damin ang pagsasalita ni Shappira na labis na nagpapasalamat sa mga nagawa ni JC sa kanyang mommy at ganundin sa kanyang Lolo Simon Pedro.

“Kung hindi kay JC, hindi magkakaroon ng katuparan ang mga pangarap ng aking Mommy Dioscora. Si JC at kanyang kapatid na si Maria ang naging daan para ipagpatuloy ko ang nasimulan ng aking ina. Dahil sa kanila kaya naging maalab ang pagnanais ko na ipagpatuloy ang pag­pa­paaral sa mga kabataan na walang kakayahan ang mga magulang na pag-aralin sila.

“Hindi lang pala roon magtatapos ang aking pagtulong sa mga kabataan sapagkat naging adbokasiya ko na rin ang pagtatayo ng mga eskuwelahan sa mahihirap na barangay. Naniniwala ako na ang edukasyon ang mabisang sandata para ma­ka­takas sa kahirapan ng buhay at magtagumpay sa lara­ngan na ka­nilang pipiliin sa hina­harap. Kung ang lahat ay makakapag-aral, wala na nang magiging mahirap.

“Nararamdaman ko na kung hindi agad yumao ang aking ina, palagay ko ay ang pagpapatayo rin ng mga schools ang kan­yang gagawin. Katulad ko, gusto niya ay maging edukado lahat ang mga Pilipino.

“At ang lahat ay nagsimula nang pag-aralin niya si JC at si Maria—kaya ang dalawa ang buhay na halimbawa na ang lahat ay maaaring magtagum­pay. Ma­raming salamat Jose Crisanto at Maria sa mga ginawa ninyo sa aking minamahal na ina at ganundin sa aking Lolo Simon Pedro.’’

Nagtayuan at nagpalakpa­kan ang mga bisita. Humahanga sila sa kagandahan ng loob ni Dios­cora. Ang ilan ay napaluha pa sa madamdaming talum­pati ni Shappira. Nalaman nila kung gaano kabuti si Dioscora.

MARAMING natulungang kabataan ang Dioscora Foundation. Karamihan sa mga na­pag-aral at naging tituladong mga estudyante ay nagbabalik at nagbibigay ng perang tulong sa Dioscora Foundation. Kaya lalo pang naging matatag ito at marami pang naitayong eskuwelahan sa buong bansa.

Bawat school ay may inilaang space para sa rebulto ni Mam Dioscora. Nakasaad sa paanan ng rebulto ang ma­ikling talambuhay ni Mam Dioscora at kung paano siya nagsimula sa pagtulong sa mga kabataang estudyante.

Maraming estudyante ang nagkakalipunpunan sa rebulto at walang sawang binabasa ang talambuhay nito. Memoryado na halos nila ang nakasulat doon kaya hinding-hindi nila ito mali­limutan magpakailanman.

BUKAS, ABANGAN ANG ISA NA NAMANG BAGONG NOBELA NI RONNIE M. HALOS. HUWAG BIBITIW!

Show comments