Dioscora (319)
INIHATID ni JC si Angel sa tinitirahan nitong condominium sa Quezon Avenue. Ayon kay Angel, mahigit isang taon na siyang naninirahan dito.
“Bakit wala kang kasama rito Angel? Nasan ang parents mo?’’
“Patay na sila pareho.’’
“Kapatid mo?’’
“Dalawa lang kaming magkapatid. Nasa Canada na siya at dun nagtayo ng pamilya.’’
“Boyfriend wala rin?’’
“Di ba kanina ko pa sinabi na wala? Parang sira ‘to.’’
“So wala ka talagang kasama rito?’’
“Oo. Solo flight ako.’’
“Bakit nga ba wala kang BF? Maganda ka naman at mabait?’’
Nagtawa si Angel.
“E ikaw bakit wala kang GF? Guwapo ka naman at mabait?’’
“Ginagaya mo naman ako. Walang gayahan, he-he-he!”
“Bakit ka nga walang GF? Seyoso na ako.’’
“E sa wala pang nakikita. Pero siguro malapit-lapit na akong magka-GF. Meron na akong nakita…”
“Talaga? Saan mo nakita?’’
Nagtawa si JC.
“Saan mo nakita, JC?’’
Pero hindi sumagot si JC.
“Sige na, JC. Sabihin mo na.’’
Nagsalita si JC.
“Kanina ko lang siya nakita. Dun sa restawran sa Recto.’’
Napamulagat si Angel. Hindi makapagsalita.
“Dati ko siyang kaklase. Maganda at mabait.’’
Hindi pa rin maibuka ni Angel ang bibig. Shock talaga siya.
“Ang pangalan niya ay Angel—higit pa siya sa isang anghel!’’
Hindi pa rin makapagsalita si Angel. Hindi siya makapaniwala.
Itutuloy
- Latest