(Ang babaing hindi niya malilimutan)
“Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin, JC kaya ginawa ko ang sulat na ito. Gaya nang sinabi ko sa’yo nun, kinakabahan ako sa mga kilos ni Simon Pedro. Kaya nga ang payo ko sa’yo ay huwag muna tayong magkita. Mas mahalaga sa akin ang kaligtasan mo. Hindi na baleng ako ang masaktan o magdanas ng kalupitan sa kamay ni Simon Pedro pero huwag ikaw. Hindi ka kasama sa away namin ni Simon Pedro. Kaya masakit man sa akin na huwag tayong magkita, ay titiisin ko. Basta ang payo ko sa’yo huwag mo akong pupuntahan at baka makahalata si Simon Pedro na matagal na tayong magkakilala.
“Basta gusto kong malaman mo na mahal na mahal kita. Kapag nakikita kita, ang katauhan ng asawa kong si Nicodemus ang aking nakikita. Nabuhay ang asawa ko sa katauhan mo. Ngayon ko lang sasabihin na tinighaw mo ang uhaw na aking naramdaman mula nang mawala si Nico. Ikaw ang nagpuno sa naramdaman kong uhaw.
“Hindi kita malilimutan, JC. Kahit ano pa ang mangyari sa akin, lagi kong uulit-ulitin ang pagmamahal sa iyo. Kahit mamatay ako, ikaw pa rin ang mamahalin ko sa kabilang buhay.
“Salamat sa pinalasap mo sa aking pagmamahal, JC. Hindi ko malilimutan ang mga sandaling pinagsama natin. Kahit sa kabilang buhay ikaw pa rin at walang iba.
“Gusto kong ipaalala sa’yo na maging maingat kay Simon Pedro. Sana ay magkamali ako pero dapat mag-ingat ka. Hindi mo lubos na kilala si Simon Pedro. Posibleng sumira siya sa pangako sa’yo.
“Gusto ko ring sabihin sa iyo na ang bahay na tinitirahan ninyo ni Maria ay ipinamana ko na sa’yo. May mga papeles na ang mga iyon. May isang tao na magbibigay sa iyo ng mga papeles.
“Siyanga pala pagkatapos mong basahin ang sulat na ito, sunugin mo. Ayaw kong may makikitang ebidensiya. Wala ka ring pagtatapatan ng ating relasyon.
“Salamat JC. Mag-ingat ka. Ikumusta mo ako kay Maria. Paalam, mahal.”
Tumulo ang luha ni JC.
Tiniklop niya ang sulat.
Kinuha ang posporo at sinindihan ang sulat.
Unti-unting natupok ang sulat hanggang maging abo.
Nakarinig siya ng katok sa pinto.
“Kuya! Kuya!’’ si Maria.
Binuksan niya.
“Kuya bakit amoy nasusunog?”
Sinabi niya.
Pati ang nilalaman ng sulat.
Hindi makapaniwala si Maria. (Itutuloy)