Dioscora (215)

(Ang babing hindi niya malilimutan)

“Sa palagay mo Jose Crisanto, naghihintay­ lamang ng tamang pagkakataon si Dioscora at saka isasakatuparan ang balak?’’ tanong ni Tatay SP na halatang may pa­ngamba sa boses.

“Base po sa mga sinabi mo, ‘yun ang aking pag-analisa.’’

“Palagay ko tama ka. Jose Crisanto. Hindi ako dapat magkampante sapagkat anumang oras, pu­wedeng gawin ni Dioscora ang mga balak.’’

“Sabi mo rin po na hindi basta-basta si Dioscora. Hindi siya sumusuko at gagawin ang lahat.’’

“Oo Jose Crisanto gan­’yan ang pagkakikilala ko sa babaing ‘yun.’’

“Palagay ko po ang pag­kakalayo sa kanya ng anak ang dahilan kaya gusto niyang maisagawa ang balak. Hindi niya matanggap ang nangyari.’’

“Tama ka Jose Crisanto. ‘Yan din ang naiisip ko.’’

“Ano ang balak mo Tatay SP?’’

Nag-isip si Tatay SP. Malalim.

Maya-maya, tumayo ito at tinungo ang cabinet na nasa gawing kaliwa ng pinto. Kumuha roon ng isang boteng alak. Dinala ang alak sa kinauupuan nila ni JC.

“Gusto ko uminom ka kahit isang lagok, Jose Cri­santo. Sa pagkakataong ito gusto kong makita kang umiinom.’’

“Sige po, Tatay SP.’’

“Sabi ko na at hindi mo ako bibiguin.’’

Kumuha ng panibagong baso si SP—dalawang baso na nilagyan ng yelo.

Sinalinan ng alak.

Binigay kay JC ang isa.

Nag-toast sila. Sabay ininom ang alak. Mapait ang lasa para kay JC pero inubos niya.

“Salamat, Jose Crisanto.’’

Makaraan ang ilang mi­nuto may sinabi si SP kay JC.

“Tulungan mo akong makita si Dioscora at iganti mo ako at si Nicodemus. Puwede ba Jose Crisanto?’’ (Itutuloy)

Show comments