Kaibigan (214)
“Dun tayo magpapagawa ng bahay kubo sa mataas na lugar na iyon, Lara. Kailangan mayroon tayong sisilungan dito habang may ipinatatanim tayo,’’ sabi ni Dex habang nakaturo sa lugar.
“E di yung maayos na kubo na ang ipagawa natin para kung maisipan nating dito mag-overnight e di walang problema.’’
“Good idea.’’
“Kasi palagay ko e matagal ang gagawin nating pagpapatanim dahil napakalawak ng lupang ito. Talagang uubos tayo nang maraming oras dito. Ngayon kung mayroon tayong magandang pahingahan dito e walang problema.’’
“Tama ka, Lara! Malaking bahay kubo na may apat o limang baytang ang hagdan para safe tayo. Kugon ang bubong para malamig. Kawayan ang sahig at mga dingding.’’
“Oo, maganda ang naisip mo Dex. Di ba masarap humiga kapag kawayan ang sahig—tumatagos sa ilalim ang simoy ng hangin.’’
“Oo. Hindi na kailangan ang aircon. Natural ang flow ng hangin..’’
“Ang sarap siguro dito kapag summer ano Dex?’’
“Oo.’’
“Pero saan tayo kukuha ng tubig?’’
“Puwede tayong magpagawa ng jetmatic pump dito. Palagay ko mabilis lang makakuha ng tubig.’’
“Hindi kaya tayo magkaproblema sa tubig dito?’’
“Hindi.’’
Maya-maya, nagyaya si Dex na puntahan nila ni Lara ang pinakasulok na bahagi ng lupa.
“Puntahan natin yung nasa dulo nitong lupa. Tingnan natin kung ano ang nababagay itanim dun. Palagay ko bagay dun ang mangosteen at dalanghita.’’
“Halika, Dex.’’
Pinuntahan nila ang lugar.
Kakaunti ang nakatanim sa bahaging yun. Natatakpan ng mga bagin, kugon at iba pang damo ang lugar.
Nagulat si Dex nang bigla siyang mapatapak sa tubig. Bakit nagkaroon ng tubig? Hinawi niya ang mga damo.
Nagulat siya sapagkat parang may bukal ng tubig na walang tigil sa pagpuslit.
Tinawag niya ang asawa.
“Lara, halika sandal. Tingnan mo ito!’’ (Itutuloy)
- Latest