Kaibigan (171)
“Siyempre bagong salta ako rito sa Saudi kaya nakakaramdam ako ng kaba. Di ba natural lang yun?’’ sabi ni Dex matapos kumagat sa sandwich na ginawa ni Lara. Masarap ang palamang corned beef.
“Huwag kang kabahan. Ako nga nang unang dumating dito, hindi kinabahan. Basta ang nasa isip ko nun kailangang tapangan ko ang loob. Walang ibang tutulong sa akin dito kundi ang sarili. Kaya kung hindi ko tatapangan ang loob, walang mangyayari sa akin. At alam mo Dex, ang mga dinanas pala nating kabiguan sa buhay ang nagpapatapang sa atin and at the same time dito tayo natututo. Yung mga leksiyon sa buhay ang magtuturo sa atin para magsikap at magtagumpay. Di ba alam mo naman ang dinanas ko mula nang mamatay si King. Itinakwil ako ng mga magulang at kapatid. Para bang Nakagawa ako ng napakabigat na kasalanan. Samantalang ang naging kasalanan ko lang naman, kung kasalanan nga yun ay ang umibig at magmahal kay King. Sa tingin ng mga kaanak ko, para akong criminal…’’ tumigil si Lara at nangilid ang luha.
Tumigil sa pagkain si Dex. Nagiging emosyonal si Lara kapag ang pinag-uusapan ay ang tungkol sa kaanak nito. Ang dalawang kapatid nito ay nasa ibang bansa rin at matagal na silang walang komunikasyon.
Maya-maya, maayos na si Lara. Nakatawa na nang muling magsalita.
“Pasensiya ka na Dex. Medyo naalala na naman ang mga nangyari kaya ako nagkakaganito.’’
Tumangu-tango si Dex bilang pagsang-ayon at pag-unawa.
Nagtanong si Lara.
“Kumusta nga pala ang bahay mo at ang sasakyan mo?’’
“Walang nakatira sa bahay. Problema kung pauupahan ko. Ibinenta ko ang sasakyan ko.’’
“Sabagay one year lang at makakapagbakasyon ka na. Mabuti ngang walang tao para wala kang problema.’’
“Oo.’’
“Ano nga pala mga balak mo ngayong narito ka na sa Riyadh?’’
“Mag-iipon ng pera.’’
“Tiyak na makakaipon ka rito. Lalo at hindi ka naman magastos.’’ (Itutuloy)
- Latest