Huling Eba sa Paraiso (59)

Parang ibinabad sa suka ang mukha ni Drew nang pumasok si Marianne. Huli siya!

‘‘Sino ka at ano ang ginagawa mo rito ?’’ tanong ni Ma­rianne.

Hindi makapagsalita si Drew. Parang nalunok niya ang dila at nakatitig lamang kay Marianne. Ang boses bagama’t halatang galit ay hindi naman katigasan. Naroon pa rin ang pagiging edukada.

Si Lola Ela ang sumagot at pinapayapa si Marianne.

“Siya si Drew. Ma­buti siyang tao. Gusto niya akong tulungan, Marianne.’’

“Tulungan? Anong tutulungan? Hindi mo kilala ang taong ‘yan, Lola.’’

“Tutulungan niya akong ipagamot ang aking mga mata.’’

“Bakit ka niya tutulungan Lola?’’

“Naaawa siya sa akin. Gusto niya akong makakita. Huwag kang magalit sa kanya, Marianne.’’

Natahimik si Marianne. Hindi inaalis ang pagkakatingin kay Drew. Si Drew naman ay tahimik lang.

‘‘Mabuting tao si Drew, Marianne. Katunayan ilang beses na niya akong binigyan ng pera.’’

At saka kinapa-kapa ni Lola ang ilalim ng unan. Kinuha roon ang pitaka. Kinuha ang pera.

“Eto ang perang bigay ni Drew sa akin. Napakabait niya Marianne. Hulog siya ng langit sa atin.’’

Tinanong muli ni Marianne si Drew.

‘‘Anong nais mo at ginagawa mo ito sa Lola ko?’’

Sumagot si Drew. Buung-buo at seryoso.

“Gusto ko lang makatulong. Wala nang iba.’’

(Itutuloy)

Show comments