Nang lumabas si Joem sa room ni Mam Catherine ay masaya siya. Akalain ba niyang kaya siya nito ipinatawag ay para purihin dahil sa nabasa nitong story niya sa diyaryo. Ang akala niya kanina, kaya siya ipinatawag ni Mam Catherine ay pagagalitan. Naisip kasi niyang baka mayroon siyang nagawang kamalian kaya ipinatatawag. Mali pala siya. Napakabait pala ni Mam Catherine!
Nang makarating siya sa kanyang table ay nakatingin lahat sa kanya ang mga kasamahan. Para bang nababasa niya sa mga mukha nito ang mga tanong na: BAKIT KA PINATAWAG NI MAM? PINAGALITAN KA?’’
Hindi niya pinansin ang mga kasamahang nakatingin sa kanya. Ipinagpatuloy niya ang ginagawa.
Pero habang gumagawa hindi niya malimutan ang mga magagandang sinabi sa kanya ni Mam Catherine. Sa totoo lang nakadama siya nang pagmamalaki dahil isang mataas na tao ang pumuri sa kanya. Akalain ba niyang pupurihin siya ni Mam Catherine. Nakahahanga raw ang mga pagtitiis, pagtitiyaga at pagpapakasakit. Isa pa sa magandang sinabi ni Mam Catherine, malaking karangalan na ang kompanya ay may empleyadong katulad niya. Maipagmamalaki raw ang katulad niyang empleyado na narating ang tagumpay dahil sa pagsisikap.
Isa pang ikinatuwa niya kay Mam Catherine ay ang pagtatanong nito kay Monay na dapat daw ay isinama sa story. Mahalaga raw ang papel ni Monay sa istorya niya kaya dapat natalakay din ito.
Tama si Mam Catherine. Dapat nabanggit si Monay sa story.
Bakit nga kaya hindi naisama ni Trishia ang part na iyon gayung alam naman niya na lagi itong nagbibigay ng monay kay Joem. Baka masyadong mahaba na ang story kaya pinutol. O baka naman may part 2 ang story. Tatawagan niya bukas si Trishia ukol doon.
Nang mag-breaktime, nilapitan siya ni Mark at tinanong kung bakit siya pinatawag ni Mam Catherine.
“Pinagalitan ka ba, Joem kaya ka pinatawag? Nakita ko kasi kanina pumasok ka sa room niya. Anong sinabi sa’yo? Galit ba siya?’’
“Hindi.’’
“Anong sinabi sa’yo?’’
“Dun na tayo sa cafeteria magkuwentuhan. Ililibre kita.’’
“Aba baka naman dinagdagan ka ng suweldo.’’
“Hindi. Halika na nga!’’
Sa cafeteria, ikinuwento ni Joem ang dahilan kaya siya pinatawag ni Mam Catherine.
“Wow e di sikat na sikat ka pala, Joem.’’
“Pinuri ako nang pinuri. Nakakahanga raw ako.’’
“Talaga? Sinabi sa’yo ‘yun?’’
“Oo. Hindi nga ako makapaniwala.’’
“Baka may kopya ka ng diyaryo, Joem, babasahin ko nga ang story mo. Tingnan ko kung bakit ganun na lamang ang paghanga sa’yo ni Mam.’’
“Bibili ako ng diyaryo mamaya pagkatapos nating magmeryenda. Hindi ko pa rin nababasa ang article.’’
“Baka sa sobrang hanga sa iyo ni Mam ay matipuhan ka, Joem.’’
‘‘’Yang bibig mo, baka may makarinig.’’
(Itutuloy)