Monay (59)
Bakit kaya siya ipinatatawag ng matandang dalaga? May nagawa kaya siyang mali? Sunud-sunod ang mga pag-oobertaym niya nitong mga nakaraang araw dahil sa mga pinatatapos na report. Baka dahil sa sobrang antok niya noong isang gabi ay mali ang nagawa niya? Pero bakit ang matandang dalaga ang magpapatawag sa kanya at hindi ang kapatid nitong big boss? Baka out of town ang big boss at take over muna ang matandang dalaga.
Kinakabahan si Joem nang magtungo sa opisina ng matandang dalaga. Inihanda na niya ang sarili sa sermon at mga masasakit na salita na sasabihin ng matandang dalaga. Kung pagagalitan siya nito, hindi siya sasagot o mangangatwiran. Naniniwala siya na laging tama ang boss. At wala naman siyang magagawa dahil ito ang boss. Basta aamen lang siya nang aamen at tapos. Ito ang unang pagkakataon na makakausap niya ang matandang dalaga.
Bahagya siyang kumatok sa pinto ng nakasaradong room. Nakarinig siya ng boses mula sa loob, “Come in, please.’’
Binuksan niya ang pinto.
“Good morning Mam!’’ bati ni Joem sa matandang dalaga.
“Good morning,’’ ganti nito sa marahang boses. “Maupo ka, Joem.’’
Nagtaka si Joem. Kilala na pala siya ng matandang dalaga. Sa dami ng empleyado ay kilala siya nito.
Naupo siya nang marahan sa silyang nasa harapan ng table ng matandang dalaga. Nasulyapan niya ang isang bar ng makapal na glass na may naka-engrave na pangalan: CATHERINE TORRES.
Catherine pala ang pangalan niya.
Napansin ni Joem ang diyaryo na nakapatong sa mesa nito.
“Nabasa ko ang story mo sa diyaryo, Joem. Ikaw pala ‘yun. Makulay pala ang buhay mo. Ang galing mo naman! Nakaka-inspire!’’
Hindi agad nakuha ni Joem ang mga sinabi ng matandang dalaga o ni Catherine. Saka lamang niya naalala na isinulat nga pala siya sa diyaryo ni Trishia.
‘‘Salamat Mam. Hindi ko pa po nababasa ang nasa diyaryo,’’ sabi ni Joem na halatang napapahiya sa puri ni Catherine.
Dinampot ni Catherine ang diyaryo at ipinakita kay Joem ang article.
“Eto ang story mo o.’’
Sinulyapan ni Joem.
“Dati ka palang vendor ng fishball.’’
“Opo Mam.’’
“At ayon dito, sa pagtitinda mo ng fishball ay nakapagtapos ka ng pag-aaral?’’
“Opo Mam.’’
“Ulilang lubos ka rin at mag-isang namumuhay, totoo ba?’’
“Totoo po.’’
“Humahanga ako sa mga taong katulad mo. Paano mo nagawa at nalampasan ang lahat?’’
Hindi makasagot si Joem at nakatingin lamang sa maamo at magandang mukha ni Catherine. (Itutuloy)
- Latest