“Gusto ko na po rito sa probinsiya mo Mang Alexis. Nararamdaman ko masarap ang pamumuhay dito kumpara sa Maynila,” sabi ni Nicole na hindi maitago ang kasiyahan sa tinig.
“Kung ganun ay ihanda mo na ang iyong sarili at magiging tagarito ka na.’’
“Kailan po ako magsisimula sa gulayan, Mang Alexis?’’
“Teka at tatawagin ko ang superbisor.’’
Dinayal ni Alexis ang kanyang cell phone. May kinausap ito. Sandali lang ang pag-uusap.
Maya-maya, dumating ang isang babae na mga 50-anyos marahil, nakasumbrero ng buli na may nakaipit na manipis na tuwalya para proteksiyon sa mukha at leeg sa init ng araw.
“Magandang araw po Sir Alexis,” bati ng babae.
“Hi Minda. Halika.’’
“Kumusta Sir Alexis? Kailan kayo dumating?’’
“Kararating lang namin, Minda.’’
“Marami pong nagha-hanap sa’yo Sir. May Japanese na nagtungo rito nung isang araw at hinahanap ka. Sabi ko bumalik na lang sila.’’
“Natagalan kasi ang meeting ko sa Maynila. Japanese rin ang ka-deal ko roon. Mga may-ari ng restaurant.’’
“Yung nagtungo rito e may-ari rin ng restaurant Sir. Parang ramen house yata ang itatayo sa isang mall sa Makati.’’
“Marami na tayong customers Minda. E kumusta naman ang gulayan natin?’’
“Mabuti po. ‘Yung hina-harvest ngayon ay dadal-hin po sa Batangas at Cavite. Yung aanihin bukas ay sa parteng Quezon po naman dadalhin.’’
“Talagang wala nang pahinga ang mga manggagawa natin ano?’’
“Opo.’’
“Siyanga pala Minda, itong kasama kong si Nicole ay magiging tauhan na natin. Ikaw na sana ang bahala sa kanya.’’
“Sige po. E sa gulayan po ba siya ipupuwesto o sa nagtsitsek ng mga idedeliber nating gulay?’
Biglang sumagot si Nicole.
“Sa gulayan ako Ate Minda --- tagapitas ng gulay.’’
“A e napakaganda mo naman yata para tagapitas ng talong, okra at kamatis. Baka mangitim ka e ang ganda-ganda ng kutis mo?’’
“Okey lang po. Gusto ko sa gulayan, Ate.’’
“Sige. Bukas ng umaga e pupuntahan kita rito para maisama na kita sa gulayan.’’
“Salamat, Ate Minda.’’
(Itutuloy)