Ahas sa Garden (347)
“IPINAGPATULOY ko pa rin ang paghahanap kay Ate Brenda sa Quiapo. Hindi ako tumigil dahil gusto kong magkasama na kami. Mas makukumpleto ang buhay ko kung magkasama kami. Halos nagalugad ko na ang buong Quiapo pero walang makapagsabi sa akin. Walang nakakakilala sa kanya,” sabi ni Franco na halata sa boses ang katotohanan sa sinasabi.
“Hindi mo naisipang manawagan sa radyo, Franco.’’
“Sinubukan ko Sir Alexis. Pero wala rin. Nag-isip pa nga ako na baka patay na si Ate dahil wala man lang siyang paramdam sa akin. Para bang ako na lamang ang may gustong makita siya. Hindi siya nag-aaksaya ng panahon na hanapin ako o kaya’y umuwi sa probinsiya para malaman kung ano ang nangyari sa akin. Kinalimutan na yata niya ako,” may himig pagdaramdam sa boses ni Franco.
At saka nagpatuloy ito sa pagkukuwento. “Ganunman, hindi pa rin ako tumigil. Mula sa Quiapo, nag-try ako sa Sta. Cruz area at sa kahabaan ng Rizal Avenue. Nagtanung-tanong din ako sa mga taong nakatira malapit sa isang casino roon…’’
Biglang nagsalita si Alexis nang marinig ang casino.
“Nalulong sa casino ang Ate Brenda mo. Katunayan, sa malapit sa casino siya nahuli ng PDEA agents. Pero nakatakas siya at nagtungo sa isang abandonadong building at dun na siya nagtago. Nang masundan ng PDEA, lumaban kaya siya napatay.’’
Napahinga nang malalim si Franco.
At saka may hiniling kay Alexis.
“Sir Alexis, ano pa ang nalalaman mo kay Ate Brenda. Gusto ko lang malaman ang naging buhay niya rito sa Maynila. Wala kasi akong ideya kung paano niya ginugol ang buhay at bakit siya nalinya sa illegal drugs at natuto siyang pumatay.’’
Napatangu-tango si Alexis. Naisip niya, dapat malaman ni Franco ang lahat.
“Naging bahagi ako ng buhay ni Ate Brenda mo. Muntik na rin akong maligaw ng landas dahil sa kanya…’’
Napamaang si Franco. Naghihintay sa ikukuwento ni Alexis.
(Itutuloy)
- Latest