NAGPAALAM si Ada sa kanyang Kuya Ipe na may pupuntahan ng umagang iyon, isang linggo bago ang Nursing board exams.
“Saan ka pupunta, Ada?’’
“Sa Tatalon, Kuya.’’
‘‘Anong gagawin mo roon?’’
‘‘Dadalawin ko ang matanda na naging pasyente ko. Naipangako ko sa kanya na pupuntahan ko bago ang board exams.’’
“Sinong matanda ‘yun? Yun bang sabi mo ay mataray at walang gustong magsilbi sa mga kasamahan mo.’’
‘‘Oo Kuya.’’
“Sige mag-ingat ka. Baka nga magdala sa iyo ng suwerte kapag dumalaw ka sa matanda. Baka mag-top ka sa Nursing board.’’
‘‘Harinawa Kuya. Napakaligaya ko siguro kapag nag-top ako.’’
“Kaya mo ‘yan. Naniniwala akong kayang-kaya mo.’’
“Salamat Kuya.’’
“Sige lumakad ka na para hindi ka abutin ng ulan. Laging makulimlim. Alam mo na ba ang pagtungo roon?’’
“Oo Kuya. Basta ang landmark ko ay Santo Domingo Church. Tumawid daw ako sa kabila at sumakay ng traysikel at magpahatid sa Manunggal St.’’
“Sige lakad na.’’
MADALING nakita ni Ada ang Manunggal St. Hinanap niya ang numero ng bahay na ibinigay ng matanda.
Maraming batang naglalaro sa kalsada. Nakabuti ang pagkulimlim kaya sinasamantala marahil ang panahon para makapaglaro.
Mahaba pala ang Manunggal St. Maaaring tagos sa E. Rodriguez o sa Araneta Ave.
Nang hindi niya makita ang number ay napilitan na siyang magtanong sa isang lalaking nakasalubong.
“Sir alam mo po ba ang address na ito?’’ Sabay pakita ng maliit na papel.
Tiningnan ng lalaki ang nakasulat.
“Sorry bago lang ako rito. Dun mo itanong sa mga babaing nagkukuwentuhan.’’
“Salamat po.’’
Nilapitan niya ang mga babaing nagkukuwentuhan. Hawak niya ang kapirasong papel.
“Excuse me po. Alam n’yo po ba ang bahay ng matandang ito?’’
Tiningnan ng isa sa mga babae
‘‘A si Coring yan. Naroon sa dakong yun ang bahay niya.’’
‘‘Salamat po.’’
Tinungo niya ang sinabi ng babae.
Maliit ang bahay. Tagpi-tagpi ang bubong na yero.
Tumawag siya, “Lola! Lola!’’
Lumabas ang matanda.
“Ada!’’ Hindi ito makapaniwala. “Akala ko nalimutan mo na ako.’’
“Hindi kita malilimutan Lola. (Itutuloy)