WALANG katiyakan kung kailan matatapos ang pagpapagawa sa nasunog na palengke at walang kaseguruhan kung makakakuha pa sila ng puwesto kaya nag-isip ng paraan si Ipe kung paano madagdagan ang kita. Hindi siya dapat maghintay sa isang bagay na walang katiyakan. Magugutom sila ni Ada kapag hindi kumita. Ang sinusuweldo niya sa fast food ay hindi sapat at nakalaan ang bahagi niyon sa kanyang pag-aaral. Determinado siyang makatapos kaya hindi niya binabawasan ang perang pangtuition.
Pero wala siyang maisip na maaaring pagkakitaan kapalit ng nasunog nilang puwesto ng gulayan sa palengke. Halos magdamag na siyang nag-iisip ay wala pa siyang maisip na magandang pagkakakitaan. Kailangan ang maisip niyang pagkakakitaan ay yung kayang gawin ni Ada. Habang wala siya, puwedeng si Ada ang mag-operate para tuluy-tuloy ang kita nila gaya nang dating pagtitinda sa palengke.
Kung tindahan ang kanyang gagawin sa harap ng kanilang bahay, mukhang mahirap. Maaaring hindi sila kumita dahil marami na ring tindahan sa lugar. Isa pang problema ay baka utangin lamang ang tinda. Hindi puwede ang tindahan. Kailangan ay ‘yung kakaiba ang pagkakakitaan at wala pa sa kanilang lugar.
HANGGANG isang araw na nagpapa-xerox siya sa isang shop na nasa loob ng unibersidad, nagkaroon siya ng ideya. Copying machine ang kailangan niya. Madaling i-operate at makakaya ni Ada. Wala siyang nakikitang nag-xe-xerox sa lugar. At ang alam niya, mayroong isang recruitment agency na bagong tayo, malapit sa kanilang tirahan.
Agad siyang nag-research sa internet ng mga second hand copying machine. Nakakita siya. Halagang P10,000 lang. Maganda pa. Noon din ay nagdecide siyang bilhin ang copying machine. Ginamit niya ang naiipong pera.
Gulat na gulat si Ada nang makita ang bitbit ni Ipe.
“Ano yan, Kuya?’’
“Copying machine. Bago nating pagkakakitaan.’’
Napangiti si Ada. Kakaiba talaga ang galing ng kapatid niya. Mahusay mag-isip.
(Itutuloy)