TUMAYO si Marie mula sa pagkakaupo sa sopa at nagtungo sa may bintana. Sumilip. Wala naman siyang sinisilip. Pagkatapos ay nagbalik uli sa sopa at naupo.
Kung makikita siguro siya ng anak na si Pau, ay baka isiping pinasok na ng hangin ang ulo niya. Mabuti na lamang at nasa kanyang kuwarto si Pau at nagbabasa ng libro. Ugali na ni Pau na hindi lumalabas ng room niya kapag may mga bisita. Kung hindi ito tawagin ay hindi lalabas.
Muli, naisip na naman niya kung ano ang nangyari kina Jose at Jam? Gumagana na naman ang kanyang malikot na imahinasyon. Kahit hindi niya isipin, iyon pa rin ang kanyang naiisip. Kahit na may tiwala siya kay Jose at nangako sa kanya ng katapatan, nananaig pa rin ang kanyang takot na mangyari ang panunukso ni Jam.
Paano kung muling anyayahan ni Jam si Jose na bumaba sa kotse at papasukin sa bahay nito? Gaya nang nangyari nung unang ihatid ito ni Jose. Nangyari iyon noong may usapan sila ni Jose na magkikita sa restawran. Sa inis niya ay lumabas na siya sa restoran. Mabuti at eksaktong dumating si Jose at nahabol siya. Sabi ni Jose, tumanggi siyang bumaba sa kotse dahil mayroon nga siyang appointment pero napilit siya.
Hanggang makita raw niya na nagpalit ng damit si Jam pero napakanipis at halos kita na ang kaluluwa. Lumapit sa kanya at nanunukso. Mabuti at nakaisip siya ng paraan at nakaalis.
Napahinga si Marie.
Hanggang lumikot pa ang imahinasyon niya.
Nakita niya, hinahalikan ni Jam si Jose. Hindi nakakilos si Jose sa pagkakaupo.
(Itutuloy)