Black Widow (111)

“ANO sa palagay mo ang dahilan at ganun ang ginagawa sa iyo ni Jam?’’ tanong ni Marie kay Jose.

“Naguguluhan nga ako Marie. Hindi ko alam kung ano ang gusto niyang mangyari.’’

‘‘Hindi mo ba nararamdaman? Di ba tinanong mo na rin sa akin ‘yan noon.’’

“Wala akong maramdaman, Marie.’’

“May gusto sa iyo si Jam ano ka ba.’’

“Kaya ganun ang pakikitungo niya sa akin? Akala ko palakaibigan lang siya. Malapit ang loob sa mga kalalakihan.’’

“May kaibigan bang ganun na halos ialok ang sarili. Nung birthday niya, pinupupog ka ng halik. Halos i-lips-to-lips ka na nga. At nung nag-outing tayo sa Pinamalayan Beach, ha­los ipagduldulan na ang bumpers niya. Kulang na lang maghubad.’’

“Akala ko karaniwan sa kanya yun.’’

“Mahahalata mo naman sa kilos ng isang tao. Ako halatang-halata. Hindi ko nga lang sinasabi dahil siyempre hindi ako sigurado pero itong huling ikinuwento mo na niyaya ka sa bahay niya at nagsuot nang manipis na manipis, ano ang iisipin mo?’’

Nag-iisip si Jose. Binabalikan ang mga nangyari kung saan ay nagpapakita ng motibo si Jam. Tama nga yata si Marie. May malaking pagkagusto sa kanya si Jam.

“Babae ako, Jose at malakas ang intuition ko. At palagay ko, hindi titigil si Jam hangga’t hindi niya naisasagawa ang plano.’’

Nag-iisip pa rin si Jose. Hanggang may naisip na paraan.

“May naisip ako, Marie. Baka ito ang solusyon.’’

“Ano ‘yun?’’

“Sagutin mo na nga kasi ako. Kapag nalaman niyang magsiyota na tayo, titigil siya sa pagpapakita ng motibo sa akin.’’

Napangiti naman si Marie.

‘‘Isiningit mo na naman ‘yan. Paano ka nakasiguro na titigil siya?’’

‘‘Palagay ko mapapahiya na siya.’’

“E kung patulan mo na ang panunukso niya? Tu­tal naman at gusto ka niya.’’

“Hindi ako ganun, Marie. Ang gusto ko ay ikaw. Sa­gutin mo na nga ako para maipaalam ko sa kanya at mag-lie low na siya.’’

Napatungo si Marie.

“Ano Marie?’’

Itinaas ni Marie ang ulo at tumingin kay Jose.

‘‘Hindi ka ba natatakot na mamatay kapag napa­ngasawa ako?’’

“Hindi!”

“Sampung taon lang tayong magsasama at mawawala ka na.’’

“Hindi ako naniniwala, Marie. Kalokohan lang yun. Walang makakapagsabi kung hanggang kailan ang buhay ng tao.’’

Sumuko na si Marie kay Jose.

(Itutuloy)

Show comments