Black Widow (60)

“PERO hindi ako ‘yung black widow na sinasabing pinapatay ang mga asawa,” sabi ni Marie kay Jose. “Namatay sa sakit ang mga dyowa ko. Yung una ay sa bangungot, ang ikalawa ay sa stroke at ang ikatlo ay heart attack.’’

“Meron pala talagang ganyan?’’

“Anong ibig mong sabihin?’’

“Na babaing mabiyudahin. Akala ko hindi totoo yun. Ang alam ko, lalaki ang mabiyudahin.’’

“Nagtataka nga ako sa mga nangyari sa akin. Tuwing ika-10 taon namatay ang aking mga naging husband.”

Nakatingin lamang si Jose kay Marie pero sa mga mata niya ay naroon ang labis na pagtataka.

“Hindi ka makapaniwala ano?” sabi ni Marie.

“Oo nga. Akala ko kasi, isang beses ka lang nabiyuda yun pala tatlo. Ano sa palagay mo ang dahilan at mabiyudahin ka?’’

Nagtawa si Marie.

“Hindi ko alam.’’

“Nonsense ba ang ta­nong ko?’’

“Hindi naman.’’

“Kasi kaya ko naitanong ‘yung tiyuhin ko e tatlong beses ding nabiyudo at ang sabi kaya siya mabiyuduhin ay dahil sa nunal sa tapat ng butas ng ilong o hingahan. At sa pangatlo raw na pag-aasawa saka mamamatay ang lalaki. Nangyari nga iyon. Sa ikat­long pag-aasawa, natigok ang tiyuhin ko.’’

Natigilan si Marie nang mabanggit ang tungkol sa nunal. Mayroon siyang nunal sa pusod. Baka iyon ang dahilan ng kanyang pagi-ging mabiyuda-hin. Pero hindi na siya nagkuwento ukol doon.

“Pero sa lalaki lang nga siguro nangyayari iyon --- sa lalaking may nunal sa hingahan o tapat ng butas ng ilong. Wala ka naman kasing nunal sa bahaging iyon.’’

“Oo nga. Siguro’y talaga lang mabiyudahin ako. Pero sana naman hindi totoo na kapag nabiyuda sa ikatlong beses ay mamamatay na. Huwag naman po Lord.’’

“Hindi naman siguro, Marie.’’

“Kawawa naman ang anak kong si Pau.’’

“Isa lang ba ang anak mo?’’

“Oo. Anak ko sa pa-ngatlong asawa.’’

“Ah.’’

“Ikaw, isa rin lang ang anak?’’

“Oo. Si Iya lang.’’

Natahimik sila.

“Mahirap mawalan ng asawa ano, Marie?’’

“Oo.’’

“Katulad mo, isang taon na rin akong biyudo.’’

“Pareho nga tayo.”

(Itutuloy)

Show comments