TOTOO kayang magkakaasawa pa siya? Sabi ni Madam Sol, magkakaasawa pa siya. Pero nang tanungin kung mamamatay, hindi masabi ng manghuhula. Duda tuloy siya kung mahusay nga si Madam Sol o nagkukunwari lang manghuhula. Madali lang magkunwaring manghuhula. Maski siya puwedeng manghula.
O baka naman, naghihintay lang ng panibagong bayad ang manghuhula bago sagutin ang tanong kung mamamatay ang mapapangasawa. Para sa isang tanong lang kasi ang binayaran nila ni Jam. Dapat naisip nila iyon para nasagot kung mamamatay ba ang mapapangasawa niya. Ang sabi lang ni Madam Sol ay wala siyang makita sa mga nakalatag na baraha. Puwede ba ‘yun? Siguro nga’y naghihintay ng panibagong bayad ang manghuhula. Siyempre, business is business. Bawat kunsulta o tanong ay may katapat na bayad. Dapat naisip nga nila ni Jam na magbayad ng panibago para nasagot ang kanilang tanong kung mamamatay ang sinasabing mapapangasawa niya.
Kung nasagot ni Madam ang kanilang tanong kung mamamatay ang lalaking mapapangasawa baka natahimik na siya. Ngayong walang linaw, para bang may mga agam-agam siya. Gusto niyang malaman kung mamamatay ang ikaapat na lalaki sa kanyang buhay. Pero ang mahirap sa kanya, ayaw na niyang magpahula sa iba.
Minsan, isang umaga, narinig niya ang pinag-uusapan ng dalawang lalaking kasamahan sa opisina. Malakas ang kanyang radar na nasagap ang pinag-uusapan.
“Pre ayan na si Black Widow. Seksi pala ano?’’
“May asim pa!’’
“Ano kaya at pormahan ko ‘yan.”
“Puwede binata ka naman.”
“Kaya lang di ba, namamatay ang napapangasawa niyan?’’
“Nagkataon lang ‘yun.’’
“Pre ayaw ko pang mamatay!’’
(Itutuloy)