Kastilaloy (196)
WALANG nagawa ang mga pulis kundi gumanti ng putok kay Geof. Apat na pulis ang nakipagbarilan sa tila huramentado nang si Geof. Kung hindi gaganti ang mga pulis sila ang malalagay sa panganib.
Nang tumigil ang putukan, nakabulagta si Geof. Wala nang buhay. Nagdatingan ang iba pang mga pulis sa patrol car. Kasunod ay ang SOCO team. Maraming tao ang nag-usyuso sa bangkay ni Geof. Hawak pa nito ang baril.
Kinabukasan, nakalagay sa diyaryo ang balita kay Geof. BILANGGO, TUMAKAS, NAPATAY NG MGA PULIS.
Nabasa ni Gaude ang balita. Nang magtungo siya kina Garet ng araw na iyon siya na ang nagbalita.
Walang nadamang awa si Garet at Mama Julia sa nangyari kay Geof.
“Nagbayad din siya sa mga kasalanan sa akin,” sabi ni Mama Julia. “Kung tutuusin, kulang pa ang nangyari sa kanya dahil sa dami ng ipinalasap niya sa akin.’’
“Matatahimik na talaga tayong lahat, pati si Tita Carmina at Gina,’’ sabi ni Garet.
“Ano raw ang dahilan at tumakas?” tanong ni Mama Julia.
“Wala pong sinabi sa balita kung bakit tumakas.’’
“Palagay ko, mayroon siyang gagawin. Baka balak gumanti sa atin.” Sabi ni Garet. “O puwede rin namang nanakawin uli niya ang mga alahas ni Kastilaloy.’’
“Posible ang sinabi mo Garet. Balak niyang paghigantihan ang nagpakulong sa kanya. Mabuti na lang at nasabat siya ng mga pulis.’’
“Wala nang banta sa atin.’’
“Oo nga, Garet. Puwede na talaga tayong magpakasal.’’
“Excited na ako Gaude. Kailangang ma-set na natin ang date.’’
“Gusto mo bukas na, he-he-he!’’
“Akala mo naman puwede.”
“Puwede naman di ba?’’
Kinurot ni Garet sa braso si Gaude. Napapitlag si Gaude. Nakatingin si Mama Julia. Tuwang-tuwa sa dalawa.
(Tatapusin na bukas)
- Latest