Kastilaloy (192)
MAKALIPAS ang isang buwan, sinorpresa ni Garet si Mama Julia. Niyaya niya itong kumain sa labas. Masayang-masaya sila, Kasama nila si Gaude. Pagkatapos kumain, nagyaya na si Garet.
“Tayo na ‘Ma!’’
“Uuwi na tayo?’’
“May pupuntahan pa tayo.’’
“Saan?’’
“Basta! Halika na.’’
Lumabas na sila sa restoran. Habang patungo sa lugar ay wala silang imikan. Pero nakakahalata na yata si Mama Julia dahil panay ang tingin kay Garet. Nasa unahan si Garet, katabi ni Gaude na nagmamaneho.
“Saan ba talaga tayo pupunta?’’
“Easy ka lang ‘Ma.’’
“Kasi’y hindi ka nagsasalita diyan. Kinakabahan ako sa totoo lang.’’
Nagtawa si Garet.
“Hindi lang ako nagsalita e kinabahan ka na.’’
“Mahilig ka kasi sa sorpresa. Kabisado na kita Garet.’’
Nagtawa si Garet.
“Mamaya-maya malalaman mo ang lahat.’’
Natahimik si Mama Julia. Parang inihahanda na ang sarili. Hindi niya mahulaan kung ano ang mga balak para sa kanya ni Garet. Hindi kaya sasabihin na nito sa kanya na nagkakaibigan na sila ni Gaude at balak na nilang magpakasal? Posible iyon. Kung iyon ang sorpresa ni Garet, magiging masaya siya. Gusto na niyang magkatuluyan ang dalawa. Sabik na siya sa apo. Panahon na para magkasama at bumuo ng pamilya ang dalawa. Wala siyang tutol kay Gaude. Mabait at responsible. Bihira na ang ganitong lalaki ngayon. Sabi ni Garet sa kanya, mahal na mahal niya si Gaude. Ang problema ay torpe yata si Gaude. Takot magpahayag ng pag-ibig. Sinulyapan niya si Gaude. Guwapo rin naman at bagay na bagay kay Garet.
Hanggang may naisip si Mama Julia. Ito na ang tamang pagkakataon.
“Gaude, kailan mo ba liligawan si Garet? Kung puwede ay ngayon na.’’
Nabigla naman si Garet sa sinabi ng ina. Pinigilan ito.
“’Ma, ano naman ‘yan?’’
Pero hindi na napigilan si Mama Julia.
“Sabihin mo sa akin, Gaude, mahal mo ba si Garet? Yes or No?’’
Hindi makasagot si Gaude. Parang namula.
“Yes or no lang Gaude. Mahal mo ba si Garet?’’
“Yes po!’’ sagot ni Gaude.
“O di tapos na ang problema. Gusto ko, wedding na ang kasunod at walang kukontra.’’
Parehong nagtawa sina Garet at Gaude.
Maya-maya, itinigil na ni Gaude ang kotse sa tapat nang malaking bahay. Nagtataka si Mama Julia.
“Halika na Mama.’’
Bumaba sila.
“Sa atin na muli ang bahay na ito, Mama. Natupad ang wish mo.’’
Halos mapaiyak si Mama Julia sa katuwaan.
“Salamat, Garet.’’
(Itutuloy)
- Latest