Kastilaloy (31)
“HANGGANG sa natangay na si Ave sa ginawa ni Julia. Ipinag-alukan na nito ang sarili. Wala nang nagawa si Ave dahil sa sobrang pagkaagresibo ni Julia.
“Mula sa salas ay napunta sila sa kama at doon na naganap ang lahat. Nagpaangkin na si Julia kay Ave. Buong-buo na ipinagkaloob ni Julia ang pagkababae kay Ave. Nagtagumpay si Julia na maagaw sa akin si Ave…”
Tumigil si Carmina sa pagkukuwento. Kumuha ng tissue sa center table at pinahid ang nangilid na luha. Natangay siya sa ikinukuwento kay Garet.
Maya-maya ay nagpatuloy. Nakikinig naman si Garet. Nasasabik siya kung ano ang mga nangyari sa kanyang amang si Ave at sa inang si Julia. Naaawa naman siya kay Tita Carmina na dati palang nobya ng kanyang ama.
“Nang maghupa ang init sa katawan nina Ave at Julia, kapwa sila natigilan. Pero mas natulala raw si Ave dahil hindi akalain na may mangyayari sa kanila ni Julia nang gabing iyon. Hindi raw niya akalain ang sandaling pagkaalipin sa laman ay magbubunga nang habambuhay na pagsasama nila ni Julia.
“Hindi na raw humiwalay si Julia kay Ave. Sabi raw ni Julia, tiyak na magagalit ang kanyang ama --- si Tiyo Fernando kapag nalamang pinakialaman na siya ni Ave. At si Ave palibhasa’y matino at madali ring matakot, naging sunud-sunuran na lang. Takot din siyang makasuhan lalo pa nga at malapit na siyang matapos ng Law. Baka maapektuhan ang kanyang pagkuha ng Bar exams. Wala na siyang nagawa.
“Iyon lang ang masyado kong iniiyak makaraang malaman ang lahat. Dahil sa panunukso sa kanya, kinalimutan na ako. Pinabayaan na ako nang pakitaan ni Julia ng alindog niya. Hindi na ako naalala at nabalewala ang mga pinagplanuhan namin. Ang sama ng loob ko noon. Isang buwan yata akong nagmukmok.
“Hanggang sa mapansin ni Mama ang nangyayari sa akin. Ipinagtapat ko na ang lahat. Awang-awa sa akin si Mama. Payo niya sa akin, tanggapin ko raw nang magaan sa loob ang nangyari. Hindi raw talaga para sa akin si Ave. Huwag daw akong magmukmok. Hindi pa katapusan ng mundo dahil tinalikuran ako ng lalaki. Marami pang nakahihigit kaysa kay Ave. Sabi ni Mama, gayahin ko siya na nagpakatatag kahit iniwan kami ni Dionisio Polavieja. Mas mabigat daw ang dinanas niya.
“Sinunod ko si Mama. At tama siya mayroon pa ngang nakahihigit kay Ave. Mayroon pang mas mabuting lalaki kaysa kay Ave.’’ (Itutuloy)
- Latest