Sinsilyo (254)

“IKAW na ang magtago ng mga alahas, Gaude. Tutal ikaw naman ang paghahanapin ko ng iba pang impormasyon kay Kastilaloy. Baka mayroon kang madidiskubre sa mga alahas na ‘yan. Kapag wala tayong natunton na mga kamag-anak niya, saka natin pag-isipan kung ano ang gagawin sa mga alahas. Malaking halaga ang mga alahas na ‘yan dahil mga antigo,” sabi ni Mau. Seryoso ang boses nito na parang gustong mailagay sa ayos ang mga naiwan ni Kastilaloy.

“Opo, Tito Mau, ako nang bahala sa mga ito.’’

“Sana mayroon kang makuhang info kay Kastilaloy para naman mayroon tayong mailagay na apel­yido niya. Pangalan lang niya ang alam natin Dionisio – hindi natin alam ang apelyido.’’

“Sige po, Tito Mau. Ipo-post ko sa Facebook ang mga impormasyon kay Kastilaloy. Banggitin ko ang description niya.’’

Nag-isip si Mau. Saka big­lang nagbago ang isip ukol sa pagpo-post sa Facebook.

“Teka huwag muna sa Facebook at baka may manloko lang sa atin. Alam mo na ngayon ang panahon, maraming sira ang ulo. Magkukunwaring kilala pero manloloko lang pala. Manghihingi ng kung anu-ano tapos biglang mawawala. Huwag mo munang i-post sa FB ha?’’

“Opo Tito. Mag-iisip po ako ng ibang paraan para makakuha ng info kay Kastilaloy. Siguro po bago siya mailibing ay alam na natin ang apelyido niya.’’

“Sige,” sabi ni Mau at binalingan si Tata Kandoy. “Asikasuhin mo na Tatang ang bangkay ni Kastilaloy. Babayaran natin ang anumang nagastos ng punerarya. Itong mga barya niya ang gagamitin. Sobra-sobra pa ang mga ‘yan para sa desenteng libing.’’

“Oo, Mau, sobra pa ’yan!”

MAAYOS na inilagay ni Gaude ang mga alahas ni Kastilaloy sa isang malinis at malaking garapon. Inisa-isa muna niya ang mga iyon. Sinuri-suri. Kailangang malaman niya kung ilang piraso lahat ang mga iyon. Baka mayroong mawala ay siya ang mananagot. Isusulat niya para mayroong record ang mga iyon. Tama si Mau, malaking halaga ang katumbas ng mga alahas na iyon na maaaring panahon pa ng mga Kastila.

Habang sinusuri ang mga alahas, napagtuunan ni Gaude ang isang matabang kuwintas na may palawit na singlaki ng 5-peso coin pero hugis itlog. Magkataklob ang mga iyon.

Naisipan ni Gaude na buklatin ang magkasaklob. Nahirapan siyang tung-kabin ang pagkakasaklob. Halatang pulido ang pagkakagawa. Hindi mapapasok ng tubig.

Nabuksan niya. Nagulat siya sa nakita. Picture ng isang lalaki at isang babae. Mag-asawa. Kamukha ni Kastilaloy ang nasa picture.

Tinawag ni Gaude si Tata Kandoy at ipinakita ang natuklasan. Gulat na gulat ang matanda.

“Mga magulang siguro ito ni Kastilaloy, Lolo.’’

“Oo nga. Kamukha niya ang lalaki.’’

(Itutuloy)

Show comments