SInsilyo (248)
“AKALA ko hindi na tayo magkikita, Gaude,” sabi ni Enchong nang naglalakad na sila pauwi sa kanilang bahay. May isang kilometro ang layo ng sinasakang bukid ng kanyang tatay.
“Bakit mo po nasabi ’yan Tatay?’’
‘‘Kasi ang tagal mo bago sumulat. Kung sana ay may cell phone ako e di natatawagan kita. Di ba nabanggit mo nun na bibigyan mo ako ng cell phone, bakit hindi natuloy?’’
“May nangyari po ka-sing hindi maganda, Tatay.’’
“Talaga, ano yun?’’
Sinabi ni Gaude. Wala siyang inilihim. Pati ang pagpapalayas sa kanya ni Mau dahil sa kagagawan ni Kastilaloy at Lyka. Pati ang muntik nang pagiging taong grasa niya. Lahat-lahat sinabi niya.
“Ang sama pala nang nangyari. Kaya pala ako ay hindi makatulog. Sana ay umuwi ka na lang dito. Bakit nagpalabuy-laboy ka namang bata ka.’’
“Wala po akong pamasahe Itay. Yun pong naipon ko, e ninakaw sa akin ng mga batang palaboy sa Recto. Binugbog po ako. Pinagtulung-tulungan. Akala ko nga ay papatayin ako.’’
“Kawawa ka naman. Sana sumulat ka!’’
“Wala nga po akong pambili, Itay!’’
“Bakit naman ginawa sa’yo ni Mau iyon. Kaya nga kita pinagkatiwala sa kanya e dahil alam kong mabuti siya.’’
“Okey naman si Tito Mau noong una, Itay. Walang problema sa bahay. Nagbago lang siya nang maging ka-live-in si Lyka.’’
“Pero sana, hindi agad siya naniwala sa sumbong nung si Kastilaloy at ka-live-in niya.’’
“Inamin naman po ni Tito Mau na nagkamali siya.’’
Maya-maya natanaw na nina Gaude ang kanilang bahay.
‘‘E bakit nga pala bigla kang umuwi?’’
‘‘Ga-graduate na po ako Itay. Magiging teacher na ako.’’
“Mabuti at nakatapos ka kahit nagkaroon ng problema kay Mau.’’
“Tinulungan po ako ni Lolo Kandoy --- ni Super Lolo.’’
‘‘Sino naman si Super Lolo?’’
‘‘Pagdating na natin sa Maynila saka ko ikukuwento ang tungkol kay Super Lolo.’’
“Isasama mo ako sa Maynila, Gaude?’’
‘‘Opo. Utos po sa akin ni Tito Mau na sunduin ka para dun na tumira.’’
Nanlaki ang mga mata niya.
‘‘Nagbibiro ba siya. Bakit dun ako patitirahin e ang sarap ng buhay ko rito.’’
“Nagpatayo po siya nang malaking bahay dun sa loteng nasunog. Apat na palapag po.’’
‘‘Dito na lang ako, Gaude. Maligaya na ako rito. Nasanay na ako rito sa bukid.’’
‘‘Magagalit po si Tito Mau kapag hindi kita kasama sa pagluwas.’’
‘‘Sigurado ka, hindi tayo aapihin ni Mau?’’
‘‘Hindi na po. Nagsisi na siya.’’
Napapayag niya ang amang si Enchong. Kinahapunan din ay lumuwas sila ng Maynila.
Pagdating sa Maynila, mahigpit ang pagyayakap ni Enchong at Mau. Ipinakilala ni Gaude ang kanyang itay kay Lolo Kandoy.
Mahigpit na kinamayan ni Lolo Kandoy si Enchong.
‘‘Magsasama-sama na tayo rito, Enchong.’’
Kinabukasan, pinuntahan nila ang malaking bahay na kanilang titirahan. Ilang araw pa at tapos na tapos na ang bahay.
“Dito na tayo titira. Palagay ko susuwertehin na tayo rito.”
(Itutuloy)
- Latest