“KINABAHAN po ako nang may magsabi sa akin na isang matanda raw ang namatay,” sabi ni Gaude nang nakaupo na sila ni Lolo Kandoy sa mga upuang nasa corridor, ilang metro ang layo sa emergency room na kinaroroonan ni Mau.
“Akala mo, ako na ang namatay?’’
“Opo! Nakonsensiya nga po ako kung bakit hinayaan kitang umalis nang ihatid mo ang iyong gamit sa boarding house. Ano po ba ang nangyari Lolo?’’
“Bumalik nga ako sa bahay para kunin pa ang ilan kong gamit at ang lata ng barya. Mga alas nuwebe na noon ng gabi. Nang palabas na ako ng bahay, tiyempo namang paparating si Mau. Nagkubli ako para hindi niya makita. Tuluy-tuloy sa kuwarto nila ni Lyka. Parang pagod na pagod si Mau. Gusto ko sanang puntahan siya para bigyan ng babala sa balak ni Kastilaloy na pagsunog sa bahay pero naisip ko ang mga ginawa niya sa iyo. Sa isip ko, iyon na lang ang ganti ko sa kanya. Litung-lito ako. Urong sulong ako kung aalis.
“Nang magpasya akong umalis, saka ko naman nakita si Kastilaloy na lumabas sa kuwarto nito. Isiniksik ko ang katawan sa pagkakatago at baka makita ni Kastilaloy. Palinga-linga. Saka muling pumasok sa kuwarto at nang bumalik may hawak nang kandila sa kanang kamay. Gulat na gulat ako sapagkat palagay ko sisindihan na niya ang kandila para masunog ang bahay. Nakita ko, lumapit si Kastilaloy sa may bintana. Malapit lamang ang bintana sa kuwarto ni Mau. May mahabang kurtina ang bintana na ang laylayan ay nakasayad sa suwelo. Manipis ang kurtina.
‘‘Nakita ko na pinagmamasdan ni Kastilaloy ang suwelo. Palagay ko, doon ititirik ang kandila malapit sa kurtina. Nakita kong ipinorma ni Kastilaloy ang kandila may isang dangkal ang layo sa laylayan ng kurtina. Pagkatapos ay may dinukot sa bulsa ng porontong na suot. Ang akala ko, posporo pero relo pala. Tiningnan ang oras. Saka muli itong pumasok sa kuwarto dala ang kandila.
“Aalis na sana ako pero narinig ko ang pagbubukas ng pinto ng kuwarto ni Mau. Nakita ko si Lyka. Nagtungo sa kusina at lumapit sa may tangke ng gas range. May kinalikot doon. Pagkaraan ay nagtungo sa kuwarto ni Kastilaloy. Mga sampung minuto marahil ang lumipas, lumabas si Lyka. Nagmamadali. Nagtu-ngo na sa kuwarto nila ni Mau. Hinintay kong lumabas pero hindi na lumabas si Lyka.
“Ipinasya ko nang umalis sa pagkakataong iyon. Baka ako pa ang pagbintangan kapag may nangyari. Bahala na kung ano ang mangyari sa bahay. Kung may mangyari kay Mau, mabuti nga sa kanya. Iyon ang ganti ko sa kanya.
“Mga kalahating oras marahil ang nakalipas, biglang sumiklab ang apoy sa bahay ni Mau. May pumutok. Hindi ako nakatiis. Bumalik ako para iligtas si Mau.” (Itutuloy)