Sinsilyo (227)

MALA-KING kasiyahan para kay Gaude na malamang ligtas si Lolo Kandoy. Masya­do siyang kinabahan na baka ito ang ma­tandang nasunog. Hindi pala! Ito pa pala ang nag­ligtas kay Tito Mau. Ang nasunog pala ay si Kastilaloy. Malagim ang nangyari sa matanda. Baka iyon ang kabayaran sa ginawa sa kanyang pang-aapi at pagsusumbong na wala namang katotohanan.

Pero ang nakapagtataka ay ikinandado ang pinto ng kuwarto nito kaya hindi nakalabas at nasunog nang buhay. Hawak pa raw ang mga barya nang matagpuan.

Malalaman niya kay Lolo Kandoy ang buong detalye kung bakit ito nasunog. Ang matanda ang makapagpapatu-nay nang lahat. Malalaman niya kung sino ang nagkandado ng pinto ng kuwarto nito. At malalaman niya kung nasaan si Lyka?

Madaling nakarating sa ospital si Gaude. Agad siyang nagtanong sa information kung saan makikita ang biktima ng sunog. Sinabi sa kanya. Nasa Emergency Room pa raw. Hinanap niya ang ER. Maraming tao sa lobby patungo roon. May mga nakaupo at waring naghihintay ng sasabihin ng mga doktor.

Hinanap ni Gaude si Lolo Kandoy. Tiyak na naroon ang matanda. Binaybay niya ang corridor.

“Gaude!’’

Nagulat siya sa ta­wag. Si Lolo Kandoy!

‘‘Mabuti at hinanap mo ako Gaude.’’

“Alalang-alala ako sa’yo Lolo. Akala ko ikaw yung nasunog.’’

‘‘Alam mo na ang nangyari?’’

“Opo. Si Kastilaloy pala ang nasunog.’’

“Oo.’’

“Si Tito Mau, kumusta?’’

‘‘Grabe ang nangyari sa kanya. Mara-ming bahagi ng katawan ang nasunog. Pero ligtas na siya, ayon sa doktor.’’

“Paano pong nangyari, Lolo?’’

‘‘Halika roon sa   upuan at doon ko ikukuwento.’’

Tinungo nila ang mga upuang bakante.

(Itutuloy)

Show comments