Sinsilyo (223)

HUMIHINGAL si Gaude nang makarating sa lugar na nasusunog. Kumpirmadong ang bahay ni Mau ang nasusunog. Hindi na siya gaanong ma­kalapit sapagkat nakaharang na ang mga truck ng bumbero. Patuloy pa rin ang malakas na apoy na nadamay na ang mga kalapit na bahay. Kapag hindi pa tumigil ay baka maubos ang mga bahay sa isang haba ng kalye.

Hindi mapakali si Gaude. Gusto niyang lumapit subalit hindi niya magawa dahil masyadong mainit na ang paligid. Bukod doon, pinipigilan nang makalapit ang mga tao. Mga barangay tanod na ang humaharang sa mga gustong makalapit. May ilang pilit na lumulusot sa harang para makuha ang ilang bagay na naiwan sa kanilang bahay.

Walang magawa si Gaude kundi panoorin ang lumalagablab na apoy at tinutupok ang hanay ng mga apartment. Mapulang-mapula ang kapaligiran. Mistulang impiyerno.

Si Lolo Kandoy ang ini­isip ni Gaude. Nasaan na kaya siya? Nasa loob pa kaya? Sana ay napigilan niya kanina nang umalis. May dinala lang itong gamit kanina at umalis muli. Basta­ inilapag lang ang mga gamit. Hindi sinabi kung ano ang dahilan nang muling pag-alis. Sabagay hindi naman niya ito maaring pigilan dahil nasa boarding house siya.

Nasaan din kaya ang iba pang matatanda? Napayuko si Gaude. Kung nasa loob ang mga matatanda, tiyak na hindi sila mabu­buhay dahil sa tindi ng apoy. Baka hindi na nga nakalabas dahil mahihina nang kumilos. Napapikit si Gaude. Kawawa naman ang mga matatanda. Kung anu-ano ang naisip. Na-imagine na magkaka­yakap ang mga matatanda. Maaaring nagtungo sa banyo at doon nagkulong para makaiwas sa usok at apoy. Pero mas malagim ang sinapit ng mga ito.

Nanumbalik lamang sa sarili si Gaude nang ma­ri­nig ang mga wangwang at serena ng mga truck. Nagdatingan na ang lahat nang mga bumbero. Ikaapat na alarma na umano. Halos mapuno ng firetrucks ang lugar. Isinara na ang buong kalsada. Wala nang makapasok na mga tao. Sobrang laki ng apoy at marami nang natutupok na mga bahay.

Walang nagawa si Gaude kundi umalis. Isa pa, sobrang init na sa kina­tatayuan niya.

Gusto man niyang tulungan ang mga mata­tanda --- lalo na si Lolo Kandoy, wala siyang ma­gawa. Wala siyang kakayahan para sagupain ang malakas na apoy.

Ipinasya na niyang umalis. Bukas, kapag ganap nang napatay ang apoy, babalik siya rito. Ma­kikibalita. Aalamin niya kung ano ang nangyari kina Lolo Kandoy at iba pang matatanda.

Habang naglalakad palayo ay nararamdaman pa niya ang init na likha ng apoy.

Sana, buhay pa si Lolo Kandoy.

(Itutuloy)

Show comments