KINABUKASAN, kinausap isa-isa ni Tatang Kandoy ang mga kasamahang matanda. Pinuntahan niya sa kani-kanilang mga kuwarto at sinabihang maghanda ang mga ito. Maglagay ng damit sa bag at iba pang mahalagang gamit. Pati na rin ang mga naiipong pera ay dalhin. Bago dumilim ay dapat nasa labas na ng bahay ang lahat at umistambay kung saan madaling maki-kita. O kaya’y magtungo sa covered court ng barangay.
“Bakit Kandoy?”
“Huwag ka nang magtanong, Amboy, sundin mo na lamang ang sinabi ko at makakaligtas ka.’’
“Sino ba ang susunog?” tanong naman ng isang matanda sa silid na tinungo.
“Hindi ko alam kung sino, Ciano. Basta may balitang susunugin ang lugar na ito at damay tayo. Kaya kilos na, balutin ang mahahala-gang gamit.’’
Sumunod ang mata-tanda sa utos ni Kandoy. Inilagay ang mga damit at mahalagang gamit sa bag.
Nang dumilim, isa-isa nang naglabasan ang mga ito, hila ang mga bag. Nang mag-alas siyete ng gabi, wala nang laman ang mga kuwarto. Nasa labas na lahat. May tumambay sa waiting shed at ang iba ay sa covered court ng barangay.
Si Tatang Kandoy ang tanging naiwan sapagkat marami pa siyang isinisild sa bag. Marami siyang sinsilyong naipon. Hindi niya maaaring iwan iyon sapagkat iyon ang makakatulong kay Gaude para maipagpatuloy ang pag-aaral.
Nang mailagay lahat sa bag ang mga sinsilyo. Inilabas niya at dinala sa boarding house ni Gaude.
Nagtaka si Gaude sa pagdating ni Tatang Kandoy.
“Dito muna ang bag na ito Gaude. Huwag mong bubuksan.’’
“Opo.’’
Umalis din agad si Tata Kandoy at nagbalik sa bahay ni Mau. Mayroon pa siyang kukunin. Dakong alas nuwebe na ng gabi.
Nang makuha ang na-tirang gamit, lumabas na siya. Pero napaatras siya nang makita ang lalaking papasok sa gate. Si Mau!
Nalito si Tata Kandoy. Tinanong ang sarili kung sasabihin kay Mau ang plano nina Kastilaloy at Lyka na pagsunog sa bahay. Hayaan na lang kaya niya para maiganti si Gaude. Tutal naman at sinaktan niya si Gaude, iyon ang ganti niya.
(Itutuloy)