GINAWA agad ni Lolo Kandoy ang balak na pakikipag-usap sa iba pang matatanda. Nang gabi ring iyon, inisa-isa niyang puntahan sa mga kuwarto.
Inuna niya si Lolo Ciano. Gulat na gulat ito sa pagkatok niya. Pinapasok siya. ‘‘Bakit Kandoy?’’ Tanong ni Lolo Ciano.
“May sasabihin lang ako Ciano, importante.’’
“Ano ’yun?’’
“May nangyayaring milagro sa mga sinsilyong iniintriga natin kay Kastilaloy.’’
“Anong milagro?’’
“Unti-unting ninananakaw!’’
“Nino?’’
“Ni Lyka at Kastilaloy!’’
“Ano? Ninanakaw nila ang ating pinagpapalimusan?’’
“Oo.’’
“Hindi na ako magpapalimos kung ganun!’’
“’Yan nga ang dahilan kaya ako narito. Huwag mo nang punuin ang lata na iniintriga kay Kastilaloy. Gawin mo na lang kalahati at ang kalahati pa, isubi mo na.’’
“Paano kung mahuli ako, Kandoy?’’
‘‘Sabihin mo kalahating lata lang ang napalimusan mo. Basta yun ang sabihin mo.’’
“Sige! Kaysa manakaw lang nila e ako na ang makinabang.’’
“Tumpak!’’
Pagkatapos kausapin si Lolo Ciano, sina Lolo Amboy, Lolo Indo, Lolo Kulas, Lolo Teban at iba pang matatanda ang kinausap ni Lolo Kandoy. Pawang sumunod sa kanya ang mga matatanda na kalahati lang sa lata ang barya na iiintriga kay Kastilaloy. Ipinagdiinan niya sa mga ito na ninanakaw lang nina Kastilaloy at Lyka ang mga barya.
Kinabukasan, bago magpalimos, sa school na pinag-aaralan ni Gaude nagdaan si Lolo Kandoy. Nagbabakasakali siya na makikita roon si Gaude.
Isa-isa niyang pinagmasdan ang mga lalaking estudyante. Pero bigo siya. Wala si Gaude. Nakadama ng kabiguan ang matanda. Saan kaya niya hahanapin si Gaude.
(Itutuloy)