HINDI makapaniwala si Mau sa nakitang tumpok na lang ng barya.
“Dati, parang bunton ng buhangin yan bakit nagkaganyan?” tanong niya.
“Dapat mo pa bang itanong yan, Mau? Sino ba ang narito sa kuwartong ito kundi si Gaude?’’
“Hayup talaga! Pinakain ko na ninakawan pa ako!’’
“Ikaw kasi, nagtiwala agad.’’
“Nagkamali ako Tatang Dune.’’
“Nasa huli talaga ang pagsisisi. Ganyan talaga ang buhay. May sinusuwerte at minamalas.’’
“Malaki ang nabawas dito, Tatang Dune. Kasi ang tantiya ko sa nakabunton dito e P500,000 o higit pa.’’
“Mahigit pa roon, Mau. Baka abutin ng isang milyon yun!”
Napasuntok si Mau sa pader. Lumagapak!
“Hayup talaga! Ahas! Magnanakaw! Rapist!’’ sabi nito.
Nakatingin sina Kastilaloy at Lyka. Parang mahinhihg birhen si Lyka. Kung alam lang ni Mau na naka-parte na siya sa mga baryang yun. Nakadeposito na sa banko niya.
Pero nagmukhang inosente siya ukol sa mga barya. Patay malisya siya kung saan nanggaling ang mga barya. Tinanong niya si Mau,
“Saan galing ang mga baryang yan Mau?’’
“Sorry Lyka at hindi ko nasabi sa’yo.’’
“Pinaglihiman mo ako Mau. Ang tagal nating magkasama rito at kung hindi pa nagwalanghiya si Gaude, hindi ko mala-laman na may nakatago palang pera rito,’’ sabi at kunwaring umiiyak pero wala namang luha.
“Sorry Lyka. Hindi ko sinabi kasi nahihiya ako sa’yo.’’
“Bakit mo ikahihiya? Hindi naman yata ninakaw ang mga baryang yan,” sabi ni Lyka na may kahalong pag-arte.
“Nanggaling yan sa pagpapalimos ng mga kinupkop kong matanda. Araw-araw, nagsusulit sila nang pinagpalimusan. Hanggang sa dumami nang dumami.’’
“Pinaglihiman mo ako, Mau. Akala ko pa naman, tapat ka sa akin. Akala ko lahat ay pinagtatapat mo. Hindi pala!”
“Sorry Lyka. Hindi na mauulit. Hayaan mo at makakapag-ipon pa nang mga barya. Marami pa akong alagang matanda. Kapag nakaipon, solo mo na yun.’’
Umiyak si Lyka pero walang lumalabas na luha.
Nakatingin si Kastilaloy kay Lyka. Mayroon siyang iniisip. At napangiti pagkatapos.
(Itutuloy)