Sinsilyo (139)
“BUKAS idedeposito ko yan kaya kailangang matapos mo,” sabi ni Lyka. “Kaya mo Gaude?’’
Tumango si Gaude.
“Wala ka bang dila at puro tango ka?’’
Hindi pa rin sumagot si Gaude. Parang walang narinig.
“Okey, mabuti ngang hindi ka magsalita. Sige huwag kang magsasalita kay Mau ha. Kapag nagsalita ka, ipabubunot ko ang dila mo.’’
Hindi pa rin nagsalita si Gaude. Ipinagpatuloy niya ang pagbibilang ng barya. Tatapusin niya ang pagbibilang ngayong gabi. Susundin niya si Lyka. Pero pagdating ni Mau, sasabihin na niya rito ang lahat. Hindi na siya magdadalawang-isip pa. Patay kung patay na. Hindi na siya natatakot.
“Kapag natapos mong bilangin, ilagay mo sa black bag at bukas, dalhin mo sa salas at idedeposito ko sa banko ng alas nuwebe. Okey, Gaude?’’
Tumango si Gaude.
Umalis na si Lyka. Isinarang pabagsak ang pinto.
Tinapos ni Gaude ang pagbibilang. Kahit antok na antok, pinilit matapos. Halos alas tres na siya natulog.
Kinabukasan, dinala niya ang mga iyon sa salas.
Dakong 8:30 ng umaga, lumabas si Lyka at tumawag ng taksi. Ipinasakay kay Gaude ang barya. Nang maisakay, lumabas na si Lyka.
Nakita pala ni Lolo Kastilaloy ang pag-alis ni Lyka. Lumapit kay Gaude.
“Saan pupunta yun?”
“Magdedeposito ng barya.’’
“Ano?”
(Itutuloy)
- Latest