MASAKIT magsalita si Lolo Dune Kastilaloy. At kung hindi lamang nagtitimpi si Gaude, baka kung ano ang magawa niya sa matanda. Kailangang dagdagan pa niya ang pagtitimpi. Siya na ang magpapasensiya. Hindi na niya ito papatulan. Talagang hindi na magbabago ang matandang Kastilaloy.
Kanina, kung hindi naliligo si Lyka ay baka gumamit na naman ito ng banyo. Bakit kaya gustung-gustong gumamit ng banyo e mayroon naman silang sarili nila sa labas. Baka marumi na naman. Baka mayroong gumamit at hindi binuhusan. Iyon ang pinag-aawayan nila ni Lolo Kandoy. Pinagbibintangan ni Kastilaloy si Lolo Kandoy na hindi nagbubuhos sa inidoro.
Pero kanina, nang malaman na si Lyka ang naliligo ay bakit mabilis ding lumabas ang matandang Kastilaloy. Parang sinigurado lang kung si Lyka nga ang nasa loob ng banyo. Umalis agad makaraang sabihan siya na estupido at tonto. Baka napahiya nang harapan niyang sabihan na hindi ito puwedeng gumamit ng banyo. Iyon ang utos ni Tito Mau. Baka iyon ang dahilan kaya mabilis ding umalis.
Napangiti si Gaude. Bahala siya kung ano ang isipin. Basta nasabi na niya ang iniuutos ni Tito Mau.
Nagulat si Mau nang may magsalita, “Gaude, tapos na ako! Lilinisin mo ba uli ang banyo?” Si Lyka pala. Tapos nang maligo. Nakabalot ng tuwalya ang katawan.
“Opo, Tita Lyka.’’
“Sige, Gaude.’’
Nagtungo siya sa banyo para linisin. May naiwan kayang panty si Tita Lyka?
Nang buksan niya ang banyo, wala siyang nakitang panty. Natuto rin si Tita Lyka na huwag kalilimutan ang panty.
Nilinis niya ang banyo. Hindi naman gaanong marumi kaya mabilis niyang nalinis.
Napansin din naman niya na wala na siyang naririnig na ingay mula sa labas. Hindi na nagpupukpok si Kastilaloy. Tapos na siguro ang project. Ano kayang pinagkakaabalahan ngayon ng matanda.
ILANG araw ang lumipas. Isang umaga, naisipan niyang silipin kung ano ang ginagawa ni Kastilaloy sa bahay na lata.
Dahan-dahan siyang pumasok sa bahay na lata. Hanggang sa makita niya ang matanda. Nakasilip ito sa butas sa pader.
Ano kaya ang sinisilip ng matanda?
(Itutuloy)