Sinsilyo (72)

TAMA ang sabi sa kanya ni Lolo Kandoy, mababawasan lamang ang binibilang na mga barya kapag tumigil na sila sa pagpapalimos. Habang wa­lang tigil ang kanilang pagpapalimos, wala ring tigil ang pagpasok ng pera sa kuwarto ni Mau.

Nagtataka naman si Gaude kung paano nailalabas ni Tito Mau ang mga barya at naidedeposito sa banko. Napakabigat ng mga barya. Sabagay hindi na problema yun dahil maaari namang i-taxi. Pero kahit minsan, hindi nagpatulong si Tito Mau sa pagbubuhat ng mga barya kapag idedeposito niya.

Habang abala sa pagbibilang, naalala ni Gaude ang sinabi ni Lolo Kandoy na maaaring ang mga binilang na barya ang ibinili ng singsing na minsan ay nakita niya rito sa kuwarto. Pero okey lang kay Lolo Kandoy kahit na ano pa ang gawin ni Tito Mau sa perang galing sa pinagpalimusan nila. Wala raw siyang reklamo. Ang ikinagagalit lang niya ay ang pagkampi nito kay Lolo Dune alyas Kas­tilaloy. Pinakikinggan daw kasi ni Tito Mau ang mga isinusumbong ni Kastilaloy na wala namang katotohanan.

 

SUNUD-SUNOD na gabi pang nagbilang ng barya si Gaude. Hanggang sa mapansin niya na kakaunti na ang mga latang may barya sa ilalim ng kama ni Tito Mau. Matatapos din yata niya sa wakas ang pagbibilang. Sisi-rain niya ang sinabi ni Lolo Kandoy na hindi niya matatapos ang pagbibilang dahil patuloy ang kanilang pagpapalimos.

Nang sabihin niya kay Tito Mau na kakaunti na ang bilangin, nagulat siya nang may ipakita ito.

Binuksan ang cabinet ng damit at natambad ang maraming salansan ng lata. “Meron pa rito, Gaude! Marami pa!”

 (Itutuloy)

Show comments