Sinsilyo (40)

NAPAPANSIN ni Gaude na napapadalas ang pag-alis ni Tito Mau. Madalas ding ginagabi. At itong pagtungo niya sa Baguio ang matagal – isang linggo raw mawawala. Mahalaga siguro ang lalakarin sa Baguio. Ano kaya iyon? Baka naman magpapalamig lang sa Baguio?

Isang ikinatutuwa ni Gaude ay may tiwala sa kanya si Tito Mau. Kayang-kaya raw naman niya kahit wala siya. Siya na raw ang bahala sa matatanda. Malaki ang kumpiyansa sa kanya.

Ang iniisip lang ni Gaude ay baka pagsalitaan siya ni Lolo Dune habang wala si Tito Mau. Si Lolo Dune lang naman ang la-ging nagrereklamo at nagmumura sa wikang Kastila pa. Bahala na! Hindi na lang niya papansinin. Sabi nga ni Tito Mau, takpan na lang niya ang taynga kapag nagmumura ang Kastilaloy.

Ganun nga ang ga­gawin niya para walang problema.

Nang araw na paalis si Tito Mau ay mahigpit ang bilin nito kay Gaude. “Ikaw na munang bahala rito.’’

“Opo.’’

“Yung mga mata-tanda, asikasuhin mo ang pagkain.’’

“Opo.”

Habang nagpapaalam si Mau ay nakatingin pala si Lolo Kandoy sa di-kalayuan.

Nang makaalis si Mau ay nagbalik sa kusina si Gaude at itinuloy ang paggayat ng upo.

Pinagmasdan siya ni Lolo Kandoy habang ginagayat ang upo nang maliliit. Sanay na sanay si Gaude sa paggayat ng upo.

“Saan papunta si Mau,” tanong nito.

“Sa Baguio po.’’

“Baguio?’’

“Opo.’’

“Ano kayang ga-gawin doon?”

“Hindi ko po alam.’’

“Baka magpapa-sarap.’’

Nagtawa si Gaude.

“Magpapasarap yun, maniwala ka!’’

“Paano mo po nalaman?”

“Basta. Taun-taon ay umaalis yun.’’

Tumigil sa pagga­yat ng upo si Gaude at tumingin sa matanda.

(Itutuloy)

 

Show comments