Sinsilyo (17)

NABAWASAN ang pag-aalala ni Gaude makaraang sabihin ni Tiyo Mau na wala itong dapat ipag-alala sa ginawang paglilinis niya sa kuwarto. Malaking gaan sa kalooban na malaman na hindi galit sa kanya si Tito Mau. Wala naman talaga siyang alam na dapat nitong ikagalit. Baka nabigla lang si Tito Mau.

Pero ano kaya ang sa­sabihin nito sa kanya? Mayroon lang daw tinatapos sa kuwarto. Ano kaya yun? Hindi kaya tungkol sa pag-aaral niya sa college. Isang buwan na lang at opening na ng klase sa unibersidad. Kung mag-aaral siya, dapat ay alam na niya kung saan siya mag-aaral. Kailangan ay yung malapit lang dito sa tirahan nila para lalakarin na lang niya. Para wala nang gastos sa pamasahe. Balak niyang kumuha ng Education. Magtititser siya. Noon pa, hilig na niya ang pagtuturo. Noong nasa high school siya ang laging pinagsusulat sa blackboard ng kanilang teacher. Maganda siyang magsulat. Kabit-kabit at pantay-pantay ang kanyang sulat sa blackboard.

Baka nga ang tungkol sa pag-aaral niya ang dahilan kaya siya kakausapin ni Tito Mau mamaya. Kaila­ngan ay nakahanda ang mga isasagot niya. Baka hindi siya pag-aralin kung hindi siya sure sa mga isasagot. Ka­ilangang makumbinsi niya si Tito Mau para matuwa at pag-aralin nga siya.

Ginawa lahat ni Gaude ang mga trabaho. Naglinis, naglaba at nagluto nang para sa tanghalian. Binigyan ng pagkain ang mga alaga nilang matatanda. Pagkaraang magawa ang mga iyon ay siya naman ang kumain at naligo. Nang matapos maligo, nagbasa siya ng mga lumang magasin sa kanyang kuwarto.

Eksaktong ala-una ng hapon ay lumabas sa kuwarto si Tito Mau at kinatok siya.

“Halika may sasabihin ako sa’yo.’’

Lumabas siya. Sa salas sila nag-usap. Seryoso si Tito Mau.

“Nakita mo ba yung mga lata sa ilalim ng kama ko. Yung may mga lamang barya?”

“Opo.’’

“Tulungan mo akong bilangin ha. Paghihiwa-hiwalayin mo muna ang mga 25, P1, P5 at P10. Ilalagay sa plastic na supot at saka lalagyan ng label.’’

“Opo Tito Mau.’’

“Pero doon mo sa kuwarto gagawin. Mas mahirap kung hahakutin pa rito o kaya ay sa silid mo. Gagawin mo kapag wala ka nang ginagawa.’’

“Opo.’’

“Madali lang namang magbilang at maglagay sa supot. Kayang-kaya mo naman siguro yun.’’

Naghihintay pa si Gaude nang sasabihin ni Tito Mau. Gusto niyang marinig dito ay ang tungkol sa pag-aaral niya.

(Itutuloy)

Show comments