Halimuyak ni Aya (481)

“AT alam mo ba Imelda kung ano ang nangyari kinabukasan? Nagkita uli kami ni Abdullah sa kanyang opisina sa Batha at mayroon siyang ibinigay sa akin…’’ sabi ni Numer na ibinitin.

“Anong ibinigay sa’yo?’’

“Makapal na sobre!’’

“Anong laman ng sobre?’’

“Pera. Maraming pera. Iyon daw ang kapalit ng ginawa kong pagtulong sa kanya sa paghanap sa kanyang anak na si Doc Sam. Alam mo, hindi ko alam ang gagawin sa pagkakataong iyon. Dahil sa pagkabigla, hindi ko alam kung aabutin ko o hindi. Mga ilang segundo rin bago ko nasabi na kahit wala siyang ibigay sa akin ay okey lang. Mafi muskila. Gusto ko siyang tulungan. At saka sabi ko, binigyan na niya ako ng pera nung umuwi ako sa Philippines kaya sapat na ‘yun. Pero sabi niya, iba ang perang ibinibigay niya ngayon. Masyado raw siyang natuwa kaya ibinibigay niya sa akin iyon. Huwag ko raw tanggihan iyon. Buong puso raw niyang ipinagkakaloob iyon sa katulad kong nagpakahirap para siya matulungan. Ngayon daw kasing natagpuan ang anak niya ay magkakaroon na siya ng peace of mind. Matagal nang panahon diumano na dinala niya sa konsensiya ang nagawa kay Cristy at ngayon lamang siya makakabawi.

“Kaya wala akong nagawa kundi tanggapin ang perang nasa enbelop. Makapal ang enbelop, Imelda. Hanggang ngayon, hindi ko pa binibilang dahil in bundles. Para akong tumama sa lotto.’’

“Napakabait pala ni Abdullah, Numer. Bihira ang Saudi na nagbibigay nang mala-king halaga. At hindi ko rin akalain na seryoso pala talaga siyang makita ang anak na si Sam,’’ sabi ni Imelda.

“Maski ako, hindi ko akalain na aabot sa ganito ang lahat. Ang akala ko, kapag natapos na ang pinahahanap niya, wala na at hanggang doon na lang ang role ko sa kanya. Meron pa palang magandang balita?’’

“Ano na naman yan, Numer? Masyado mo na akong pinasabik.’’

“Sinabi ko kay Abdullah na tatapusin ko na lang ang contract ko sa Saudi Navy at uuwi na ako para magpakasal. Hindi siya makapaniwala na single pa ako. Akala raw niya may family na ako. Tanong niya ano raw ba ang magandang negosyo sa Pilipinas. Ikaw daw ang magmanage. Alam daw niya mahusay ang Pinay sa negosyo. Bubuhusan daw niya ng pondo. Kasi raw mayroon siyang kaibigan na nagtayo ng negosyo sa Bangkok at umunlad daw. Baka raw puwede sa Philippines. Sabi ko sa kanya, pag-aaralan. Ano sa palagay mo Imelda?’’

‘‘Sige, Numer. Pag-aralan natin pagbalik mo.’’

“Okey, sasabihin ko sa kanya. Basta ang isang magandang balita, gusto niyang makarating sa Manila para ma-meet ang kanyang anak na si Doc Sam.’’

‘‘Ibabalita ko kay Aya, Numer. Tiyak masisiyahan siya dahil magkikita na si Sam at Abdullah.’’

(Itutuloy)

 

Show comments