Halimuyak ni Aya (391)

KUNWARI ay nabigla si Sam sa biglang pagsulpot ni Julia. Pero alam na niyang mangyayari ang ganito. Hindi pa nai­isip ni Julia ang balak, ay alam na ni Sam na ganito ang magiging sitwasyon. Makiki­paglaro siya kay Julia­. Kunwari ay maniniwala siya na mayroon ngang relasyon sina George at Aya. Paniniwalain niya si Julia na galit na galit siya kay Aya.

“May review pa ako, Julia. Lumabas lang ako sandali. Bakit mo ba ako kakausapin?”

“Mahalaga ito, Sam. Gusto kong magkausap tayo ngayon din.’’

“Pero may review ako ngayon,” sabi ni Sam pero sa totoo’y wala na. Tapos na ang review niya kahapon pa. Kaya lang siya narito ay para kunin ang libro sa kaklase.

“Sige na, Sam. Ka­ilangang malaman mo ito.’’
Nag-isip kunwari si Sam.

“Sige. Saan tayo mag-uusap?’’

“Sa restaurant na kina­inan natin noon, remember. Diyan sa may Recto. Ma­lapit lang dito.’’

“Sige. Pero ano ba yang sasabihin mo at masyado kang mapilit.’’

“Basta mahalaga ito. Dun sa restaurant ko na sasabihin sa’yo. Masa-shock ka Sam. At siguro kapag nalaman mo, mag-iisip ka. Pero huwag ka naman sanang maghuramentado, mabaliw, o kaya’y umiyak dahil narito naman ako…’’

Napangiti lang si Sam. Talagang malaki ang pagkakagusto sa kanya ni Julia. Lahat ay gagawin nito para silang dalawa ang magkatuluyan. Meron palang ganitong babae na sa sobrang pagmamahal sa lalaki ay gagamit ng ibang tao para lamang matupad ang balak.

Pero nagkakamali si Julia­. Kahit ano pa ang ga­win niya, hindi na siya matutukso. Si Aya ang ta­nging babae para sa kanya.

“Makikipaglaro” lang siya kay Julia kaya siya pumayag. Hindi siya magpapahalata.

Nakarating sila sa restaurant.

“Ako ang magbabayad sa ating kakainin Sam. Kasi ayokong madagdagan ang problema mo sa sasabihin ko.’’

Tumango lang si Sam. Nagmukha siyang ma­lungkot.

Lumapit ang babaing crew at umorder si Julia. Nang umalis ang crew, inilabas na ni Julia ang iPhone.

“Narito ang ebidensiya, Sam!”

“Anong ebidensiya?’’

“Eto tingnan mo!’’

Tiningnan ni Sam.

(Itutuloy)

Show comments