Halimuyak ni Aya (335)

“ANONG sabi ng drayber tungkol kay Papa?’’ tanong ni Aya na parang nasasabik na makarinig ng balita sa ama. Parang mayroon na itong interes.

“Nasa America pa raw. Iyon lang ang nasabi ni Jaime.’’

‘‘Kasama pa rin ang medrep?’’

“Siguro. Kaya nga iniwan si Doktora ay dahil sa medrep. Bata raw kasi at sexy.’’

‘‘Nanggagamot kaya roon si Papa o may ibang trabaho?’’

“Tinanong ko nga si Jaime pero walang masabi. Walang makapagkuwento. Kasi yung maid nila ay parang mga takot na pag-usapan ang tung­kol kay Doc Paolo.’’

‘‘Baka pinagbaba­walan nang pag-usapan dahil sa utos ng doktora.’’

‘‘Iyon nga ang hinala ko.’’

‘‘E ang doktora, anong balita sa kanya?­’’

“Hindi na nga nagturo. Nag-retire na pala kaya hindi ko na nakita. Sabi ni Jaime ay nagko-concentrate sa book writing. Ilang libro na raw ang lumabas.’’

“Bakit kaya ayaw nang magturo e bata pa naman. Siguro kasing age lang ni Mama si doktora --- mga 55.’’

‘‘Sabi nga ni Jaime parang na-depressed sa paghihiwalay nila ni Doc Paolo. Nagkasakit daw at siguro, ipinasya nang huwag magturo.’’

‘‘Bakit kaya walang anak, ano?’’

“Siyempre alam mo na kung sino ang may deperensiya? Si Doc Paolo, may anak --- ikaw nga.’’

“Napakalupit ng buhay ano? Natiyempo pang doktora ang ayaw magkaanak gayung kung tutuusin ay nasa kanila na ang lahat para makagawa ng paraan. At kung sino ang hikahos sa buhay, yun naman ang napakaraming anak at hindi mapigil.’’

“Oo nga. At siguro gusto ni Doc Paolo na magkaroon na ng anak kaya hiniwalayan.’’

“Pero kung talagang mahal niya ang babae, kahit wala silang anak, hindi niya iiwan.’’

“Oo nga.’’

“Ikaw, halimbawa hindi tayo nagkaanak, iiwan mo rin ako?’’

“Hindi! Hinding-hindi!’’

Napatitig si Aya kay Sam. Humahanga at naniniwala.

 

ISANG araw, ipinasya ni Sam na dalawin si Dra. Del Cruz. Tinext muna niya si Jaime.

Naabutan niya si Doktora na may ginagawa sa laptop. Nagulat ito nang makita si Sam.

“Good morning Doktora!’’

“Hi Sam, good morning. Halika. Ma­buti naman at naalala mo ako.’’

(Itutuloy)

Show comments