Halimuyak ni Aya (289)

IBINALITA agad ni Sam kay Aya ang resulta ng kanyang pag-iimbestiga sa pagkawala ni Dr. Paolo del Cruz. Gulat na gulat si Aya. Akala niya, hindi na itinuloy ni Sam ang pag-iimbestiga sa kanyang papa.

“Naging kaibigan ko na ang drayber ni Dra. Sophia. Jaime ang pangalan, Pero hindi ko pa naitatanong ang tungkol sa papa mo. Bigla kasing may iniutos si Doktora kay Jaime. Pero madali ko na siyang matatanong dahil vibes na kami.’’

Nagkaroon na ng interes si Aya.

“Sige Sam, itanong mo kung nasaan si Papa. Pero mag-ingat ka lang at baka makahalata ang drayber. Baka isumbong ka sa doktora.’’

“Nakaplano na ang mga itatanong ko kay Jaime. Hindi siya makakahalata.’’

“Paano mo nga pala siya nakilala?”

“Simple lang. Naglaglag ako ng kapirasong papel – yung resibo ba. Naglalakad kasi siya sa unahan ko. Tinawag ko at sinabing may nalaglag na papel sa kanya. Dinampot at binasa. Hindi raw sa kanya yun. Sa akin ibinigay at baka raw kilala ko ang may-ari ng papel. Kinuha ko naman. Sabi ko ako na ang maghahanap sa may-ari. Ang kasunod niyon ay pagkikilala na. Siya na mismo ang nagsabi na drayber siya ni Dra. Del Cruz. Limang taon na raw siyang drayber. Sabi ko naman, propesora ko si Dra. Del Cruz. Sabi ko mabait at mahusay na propesora sa Medisina. Nagkuwento na siya ukol pa sa doktora. Mabait daw si Doktora. Kung anu-ano pa ang sinabi.

“Itatanong ko na sana ang tungkol kay Dr. Paolo pero tinawagan siya ni Doktora. Doon naputol ang pagtatanong ko. Pero aabangan ko uli siya.’’

“Mag-ingat ka sa pagtatanong Sam at baka akusahan kang nag-i-spy. Baka mapahamak ka.’’

“Mag-iingat ako. Nakaplano na nga ang lahat nang itatanong ko. Kaswal lang ang gagawin ko at hindi parang nag-iimbestiga.”

“Ang galing mo talaga, Sam. Kung reporter ka, naka-scoop ka na. Sige Sam, gusto ko nang may malamam ukol kay Papa. Nasaan nga kaya siya?”

“Sige akong bahala. Ga­gawin ko ang lahat para sa’yo.’’

 

LUMIPAS ang ilang araw. Natiyempuhan muli ni Sam ang drayber na si Jaime. Ito ang unang bumati sa kanya.

“Kumusta, Sam?”

“Oks lang Jaime. Ikaw?’’

“Okey din lang. Papasok ka na ba? Nandiyan na si Doktora Sophia.’’

“Oo. May exam nga kami. Pero mamaya pa.’’

“Siguro ang talino mo ano, Sam?’’

“Hindi naman.’’

“Kapag doctor ka na, magpapagamot ako sa’yo. Puwede?”

“Oo naman.’’

“Kasi parang mahusay kang magpayo. At saka guwapo ka rin.’’

Nagtawa si Sam. Pero sa isip niya, ito na ang tamang pagkakataon para itanong ang tungkol kay Dr. Paolo.

“E di ba, mahusay ding doctor ang amo mo ayaw mo sa kanyang magpagamot?”

“Para maiba naman. Mas maganda sa mga batang doctor.’’

“Di ba ang asawa ni Doktora ay doctor din. Ano nga pangalan niya?’’

“Dr. Paolo.”

“Oo, yun nga. Saan siya nagki-clinic?”

“Wala na.”

“Anong wala.”

“Wala na rito...”

(Itutuloy)

Show comments