Halimuyak ni Aya (203)

“SAM!”

Si Aya ang tumawag. Galing ito sa comfort room. “Hindi ka nag-text. Baka biglang dumating ang…” ibinitin nito ang sinasabi nang makitang nakatingin si Mama Brenda at si TJ.

“Galing akong school. Dumaan lang,” sabi ni Sam at nagmano kay Mama Brenda. Hindi nito tinitingnan si TJ na biglang tumayo nang lumapit si Sam.

Napangiti lang si Mama Brenda matapos magmano si Sam. Lumapit naman si Aya.

“Siyanga pala, Sam, si TJ, classmate ko.’’

“Ipinakilala mo na siya sa akin di ba?”

“Ah oo nga pala.’’

Tiningnan ni Sam si TJ. Nagkatinginan sila. Ibinaling ni Sam ang pansin kay Mama Brenda. Hinawakan ito sa kanang palad.

“Okey na bang pakiramdam mo, Mama Brenda?”

“Medyo.’’

“E di malapi ka na pong lumabas?”

“Hindi pa raw. Naiinip na nga ako rito. At saka naaawa ako kay Aya. Absent siya palagi sa school.”

“Gustuhin ko po naman na ako ang magbantay e hindi puwede dahil…”

“Alam ko Sam. Huwag mo nang problemahin yun. E okey ba naman ang lagay mo. Yung tirahan mo, okey ba naman?”

“Okey naman po. Malapit lang sa school.’’

“Kung sana ay walang problema, gusto lagi tayong magkakasama nina Aya,” sabi ni Mama Brenda at saka pumikit. Halatang masama ang loob dahil sa nangyaring away ni Sam at Janno.

“Huwag mo nang isipin yun, Mama Brenda. Nakaraan na, yun.”

Nang may ibulong si Aya kay Sam. Baka raw dumating si Janno.

Nagpaalam na si Sam kay Mama Brenda para umalis. Hindi siya nagpaalam kay TJ.

“Ma, ihahatid ko lang si Sam sa labas,” sabi ni Aya. “TJ, sandali lang ha?”

Inihatid siya ni Aya sa labas.

“Anong sabi ni Papa, Sam?”

“Gusto ka niyang maka­usap. May mahalaga raw siyang sasabihin. May na­isip daw siyang paraan kung paano kayo lagi magkikita.”

“Ano kaya yun?”

“Hindi ko alam. Basta yun ang sinabi niya,” sabi ni Sam na nagmamadali. “Aalis­ na ako, Aya. Pumasok ka na sa kuwarto at nakakahiya sa bisita mo. Bye!”

Umalis na si Sam.

(Itutuloy)

Show comments