Halimuyak ni Aya (62)

AGAD na sumalubong at yumakap si Sam kay Brenda. Hinalikan nito si Sam.

“Ang laki na ng anak ko!”

Pumasok si Brenda sa bahay na akay si Sam. Naupo sa sopa.

“Hindi mo kasama si Aya, Brenda?” tanong ni Nanay Cion.

“May sakit po si Aya, Nanay Cion.”

“A.”

“Baka po lumala ang sakit kapag biniyahe ko.”

“Ano bang sakit?”

“Nilalagnat po. Pagbukas at hindi pa naalis ang lagnat, patitingnan ko at baka dengue na. Marami na akong pinainom na gamot.”

“E sino ang nag-aala­ga?”

“May yaya naman po. Sabi ko alagaang mabuti at babalik din agad ako…”

“Wala kang dalang sasakyan?”

“Wala po.”

“Bakit?”

“Bawal na.”

Napamaang si Nanay Cion.

“Nalaman kasi ni Janno na dinaala ko ang sasak-yan dito noong huli akong magtungo rito. Yung ka-sing drayber, nerbiyoso. Maski sinabi kong huwag aamin e nataranta pa rin at sinabi na ginamit ko ang sasakyan. Ayun nabuking…”

“E mabuti at nakapun-ta ka rito?”

“Wala si Janno sa bahay. Nasa Port daw sa Cagayan. Mayroon daw parating na mga sasakyan. Kailangan daw naroon siya. Sinamantala kong wala siya. Kailangan lang maunahan ko pag-uwi.”

“Ayaw ka talagang pa-puntahin dito?”

“Delikado raw kapag nasa labas ako. Aywan ko kung bakit delikado. Baka may nagbabanta sa kanya. Ang dami kasi niyang napepera sa Customs. Maski sa bigas na galing Vietnam, meron siyang parte…”

Naisip ni Nanay Cion ang sinabi ni Tatay Ado ukol sa Customs. Marami raw corrupt doon.

“Kaya ako nagpilit makapunta ay dahil nabalitaan ko ang nangyari kay Lina. Noong matanggap ko ang text ng isa naming pinsan, gusto kong sumugod dito para makita si Lina. Umiyak ako Nanay Cion. Hindi ko akalain, sa ganoong paraan mamamatay si Lina. Sa lahat ng pinsan ko, siya ang aking closed.  Siya lang ang tumulong sa akin para ako kupkupin. Yun nga lang hindi ako welcome ng hayop niyang asawa. Kaya nga dito ako dinala sa inyo. Safe raw ako rito. Napakabuti niyang pinsan. Gusto ko sana, makuha ang anak niya para naman makaganti ako sa kabutihan niya. Nasaan po ang anak ni Lina, Nanay?”

“Nasa pinsan daw sa partidos ng ina ni Lina.’’

“Ibigay kaya sa akin. Ako na ang magpapalaki. Kasing-edad din ni Aya at Sam ang batang iyon. Babae rin.”

“Problema hindi natin alam kung nasaan.”

“Kawawa naman ang bata.”

“Hayaan mo at ipahahanap ko kay Tatay Ado mo.”

“Sige po. Gusto ko pang makita ang libingan ni Lina, Nanay.”

“Sige at sasamahan kita. Malapit lang naman dito.”

Nagtungo sila roon. Wala pang 15 minutos lakarin. Dumaan sila sa isang tindahan na nasa labas ng sementeryo at bumili ng kandila.

Sinindihan ni Nanay Cion ang dalawang kandila. Napaiyak si Brenda habang nasa harap ng nitso. Umusal ng dalangin. Maski si Nanay Cion ay napaluha rin. Si Sam ay akay ni Nanay Cion.

Makalipas ang kalaha-ting oras ay nagyaya na si Brenda. Kailangan daw makabalik siya agad sa Maynila.

Bago umalis, binigyan ng bungkos-bungkos na pera si Nanay Cion.

(Itutuloy)

Show comments