Halimuyak ni Aya (52)

“INIISIP ko Ado, mabigyan nang magandang kinabukasan si Sam. Siya man lang ay makapagtapos ng pag-aaral. Huwag sanang matulad sa atin na ni hindi nakatapos ng high school. Gusto ko may matapos na karera…’’ sabi  ni Nanay Cion habang sinusuklayan ng buhok si Sam. Pina-liguan niya si Sam.

“Ganyan din ang panga­rap ko Cion. Palagay ko matalino ang apo nating ito. Pangarap ko maging abogado o doctor ito.’’

“Baka siya ang magha-ngo sa atin dito ano, Ado.”

“Posible yun, Cion.’’

“Kaya talagang iingatan ko ang perang binibigay ni Brenda. Ilalaan talaga natin sa pag-aaral ni Sam ang pera.’’

“Sa palagay mo, matu­loy sa pagtungo rito si Brenda sa susunod na buwan.”

“Oo. Yun ang sabi ni Brenda. Gagawa yun ng paraan para makapunta rito.”

“Bakit kaya ayaw payagan si Brenda ng asawa niya, Ado?”

“Di ba sabi, delikado raw pumunta rito.”

“Bakit kaya delikado?”

“Baka may nagbabanta sa asawa ni Brenda. O baka naman dahil maraming pera e natatakot kidnapin  at idamay sina Brenda. Basta sa Customs nagtatrabaho ay maraming pera.’’

“Duda ako Ado. Baka may ibang dahilan kaya ayaw papuntahin dito si Brenda.’’

“Hindi kaya seloso? Kasi’y napakaganda ni Brenda. Parang artista ang beauty.”

Napatangu-tango na lang si Nanay Cion.

 

ISANG umaga, big­lang dumating si Lina kina Nanay Cion. Umiiyak. Takang-taka ang dalawang matanda. Si Sam ay nakatingin lang kay Lina.

“Anong nangyari, Lina?” tanong ni Nanay Cion.

“Napaka-walanghiya po ng asawa ko, Nanay Cion. Hindi na ako tatagal!” (Itutuloy)

Show comments