“MATUTUWA po sina Digol at Pau kapag nalaman na inaanyayahan mo na dito mag-New Year.’’
“Gusto ko masaya tayo, Troy.’’
“Kami na po ang bahala sa pagkain, Mama Siony. Magpapahanda po ako nang masasarap na pagkain para sa Bagong Taon.’’
‘‘Don’t worry sa pagkain Troy. Ako ang maghahanda. Marami akong ipahahanda.’’
“’Basta magdadala po kami ng pagkain, Mama Siony. Gusto ko po marami tayong pagkain na pagsasaluhan. Ito po ang pinaka-masaya kong Bagong Taon, kasi kasama ko si Kreamy.’’
“Sige ikaw ang bahala, Troy.’’
“Siyanga po pala, pupunta po ba rito ang mga kamag-anak mo sa San Pablo?’’
“Hindi pa nagre-reply sina Tiyo Nado at Tiya Encar. Taun-taon, dito sila nagbabagong taon. Hindi ko alam kung bakit hindi pa sumasagot. Baka busy lang sa pag-aani ng tilapia ang mag-asawa.’’
“Gusto ko po silang makitang mag-asawa. Napakabait po nina Tiyo Nado at Tiya Encar. Inasikaso po kami nang magtungo roon. Parang matagal na kaming kakilala. Ipinagluto pa kami ng pagkain.’’
“Mabait talaga ang mag-asawang iyon, Troy. Ang turing ko sa kanila ay mga tunay kong magulang. Hindi nila ako iniwan at pinabayaan. Dinamayan ako noong panahong hinahanap ko si Kreamy. Ang mga payo nilang mag-asawa ang nag-palakas sa akin. Kung hindi sa kanila baka kung ano ang nagawa ko.’’
“Sana makarating sila para lalong masaya ang ating selebrasyon.
“Iti-text ko uli si Tiyo Nado.’’
KINABUKASAN, bisperas ng Bagong Taon ay nakahanda na sina Digol at Pau. Magara ang suot ng mag-ama. Dadaanan sila ni Troy para sabay-sabay sila pagtungo kina Kreamy.
Eksaktong alas singko ng hapon, dumating si Troy.
“Tena na,’’ sabi nito.
Umalis na sila.
Nakahanda na pala ang mga pagkain. Ang dating catering ser-vice ang naghanda ng pagkain. Maraming pagkain.
Nagkita sina Siony at Digol. Kumustahan. Nagtawanan. Masaya ang bawat isa.
Nang sumapit ang alas-dose ng hatinggabi, lalo nang naging masaya ang lahat. Pero walang katulad na kaligayahan ang nadama nina Troy at Kreamy.
“Ito ang pinaka-maligaya kong Bagong Taon, Kreamy.’’
“Ako man, Troy, masayang-masaya ako.’’
(Itutuloy)