NATIGIL ang pag-uusap nina Troy at Kreamy nang lumapit sa kanila si Pau.
“Tito Troy, Mam Kreamy, este Tita Kreamy, kakain na raw po tayo. Alas dose na po kasi.’’
Nakatingin si Troy kay Pau. Nakangiti.
“Pau, puwede mo ba sabihin sa akin kung sino ang nagplano para magkita kami ni Kreamy?”
Nagtawa si Pau.
“Ako po, Tito. Pero may bendisyon ni Papa.’’
Nagtawa na si Troy.
“Bilib na talaga ako sa’yo Pau. Talagang pag-aaralin kita dahil sa naisip mo. Napakahusay mo talaga.’’
“Kasi po, ito na lamang ang pinakamagandang pagkakataon. At natapat pa na ang Pasko ay birthday din ni Tita Kreamy.’’
“Napakahusay mo talaga, Pau,’’ sabi nito.
Ganundin naman ang paghanga ni Kreamy.
“Ako man ay hanga sa iyo, Pau.’’
“Salamat po nang marami. Halina po kayo, at kumain na tayo. Naka-ready na po ang foods.’’
“O sige. Pagsaluhan na natin ang pagkain, Kreamy.’’
Tumayo ang dalawa at tinungo ang kinaroroonan ng pagkain.
“Ikaw ang nagpa-cater, Troy?”
“Oo. Gusto ko kasi, masaya ngayong Pasko.’’
“E nagdala rin ako ng pagkain. Gusto ko rin kasi, masaya ang Paskong ito. Para palang nag-usap tayo, Troy kasi iisa ang ating naisip.’’
“Oo nga. Siguro lagi mo akong naiisip.”
Kinurot ni Kreamy si Troy.
Iba’t iba ang mga putahe ng catering service. Iba’t ibang ulam na sa tingin pa lamang ay mahuhulaan nang masasarap. Nakahanda rin ang mga pagkaing dala ni Kreamy na sa tingin din ay pawang masasarap.
“Halina kayo Digol at Pau. Simulan na natin ang selebrasyon. Kailangang magsaya tayo.’’
Inabutan ni Troy ng pinggan si Kreamy. Nagpasalamat si Kreamy.
“Ikaw na ang maunang sumandok, Kreamy. Ang espesyal na tao siyempre ang mauuna…’
“Salamat.’’
Sumunod si Troy na kumuha ng pagkain. Nasa likuran si Digol at si Pau.
Nang matapos si Troy, binulungan si Digol na imbitahin ang mga kapitbahay nila. Hindi umano nila kayang ubusin ang handa. Pasko naman kaya masarap magbigay at magpakain.
Matapos iyon ay tinungo ni Troy ang kinaroroonan ni Kreamy. Nasa may tapat ito ng bintana. Mula sa bintana ay natatanaw ang bahay sa tapat — ang bahay na ibinigay ni Kreamy kay Digol.
“Akalain mo bang magkikita tayo ngayon, Kreamy?”
“Dahil kina Digol at Pau. Kung hindi dahil sa kanila ay baka hindi na tayo magkita.’’
“Bakit naman, Kreamy?”
“May balak kasi ako magtungong Australia.’’
“Ganun ba?”
“Pero ngayong nagkita tayo, hindi na.’’
Nagkatinginan sila. Matagal.
“Puwede na kitang dalawin sa inyo, Kreamy?”
“Oo naman.’’
“Sige pagkatapos natin dito e sa bahay n’yo naman tayo.’’
“Sure.’’
“Kumain na tayo, Kreamy.’’
Kumain na sila.
Iyon ang pinaka-masayang sandali na naranasan ni Troy. At maski si Kreamy ay ganundin ang nadarama. (Itutuloy)