Tahimik lang si dating Sen. Bong Revilla pagkatapos ma-grant ng Sandiganbayan na makapag-bail siya sa Malversation case na isinampa laban sa kanya.
Kahit ang maybahay nitong si Cong. Lani Mercado ay ayaw na rin munang magbigay ng statement.
Bago mag-alas siyete ng gabi noong Biyernes ay nakalabas na si Sen. Bong sa QC Male Dormitory sa Payatas.
Kasama ang kanyang asawa, tumuloy sila sa Bacoor Cathedral para magdasal. Pagkagaling doon ay dumiretso sila sa may sementeryo sa may Angelus Eternal Garden sa Bacoor, Cavite na kung saan doon ang kanilang mausoleo.
Nagdasal din siya roon kasama ang buong pamilya na naghintay sa kanya.
Sinubukan ko siyang i-text kahapon para kumustahin, pero hindi sila nagbigay ng pahayag,
Minabuti nilang manahimik na lang muna, kasama ang buong pamilya. “Sa family lang,” tipid niyang sagot sa akin.
Puno ang social media ng mga post mula sa supporters, at ang iba ay sa mga taong natulungan ng dating senador at ng buong pamilya.
Meron pa ngang nag-message sa akin na hindi raw nila makalimutan nung tinulungan siya ng actor/politician sa pambayad sa kanyang operasyon.
May iba naman ay nagbibigay ng kanilang opinyon tungkol sa pagpayag na makapag-bail.
May alam sila sa batas, kaya nakakapagbigay ng opinyon. Pero ayaw na itong sagutin ng kampo ni Sen. Bong.
Dennis, ayaw nang magsayang ng load sa bashers
Sayang lang daw ang load para patulan ang mga bashing na natatanggap ni Dennis Padilla.
Kaugnay ito sa isyu niya sa kanyang mga anak kay Marjorie Barretto.
Natuto na siyang mandedma sa mga masasakit na mga salitang natatanggap niya.
“Ganun tayo, Pilipino tayo. Nagbibigayan tayo ng respeto sa bawat opinion ng bawa’t isa.
Ganun tayong mga Pinoy, e,” malumanay na pahayag ni Dennis na isa sa dumalo sa Maddox Jewelry Iconic Runway Fashion Show 2026 na ginanap sa EDSA Shangri-La Hotel noong nakaraang Huwebes.
Dati raw ay nasasaktan pa siya sa mga bashing na natatanggap niya. Ngayon daw ay nakasanayan na niya.
“Dati. Pero ngayon, hindi na, e. Pinagtatawanan ko na lang,” pakli niya.
Pinapatulan pa raw niya noon. “Dati, oo, pumapatol ako dati. Pero wala, nakakapagod. Saka sayang ang load!”
Basta sa ngayon ay tanggap na raw niya ang desisyon ng anak niyang si Claudia na tanggalin ang apelyido niyang Baldivia.
“Kasi, unang-una, mga adults na ‘yung mga bata. Adults na sila. Alam na nila ‘yun. Alam na nila kung ano ang dapat gawin,” sabi pa nito.
May iba pa siyang anak at okay naman daw siyang tatay.
“Okay naman dahil… old school tayo. Kung may pagsubok na mabigat, bumabangon tayo,” saad ni Dennis.
“Paulit-ulit. Kahit na maraming pagsubok, bangon lang ulit. Tapos look at the brighter side of life. Laging ganun tayo.”
Pagkatanggal ng mga anak niya kay Marjorie sa kanyang apelyido, tanggal na rin ba ang pagiging tatay niya sa mga ito?
“Hindi naman mawawala ‘yun, hindi naman mawawala ‘yun. Kaya nga sabi ko, with or without the family name, I’m happy for my children,” tugon nito.
Ang pinagdaanan niya sa mga anak niya kay Marjorie ay naisip daw niyang tawiran na lang niya. “Siyempre habang tumatawid ka sa mga pagsubok, kailangan tawiran mo lang siya with dignity. Tawiran mo lang siya nang buong tapang. At sigurado ako na nababasa naman ng Panginoon kung ano ang laman ng puso mo, e.
“Alam ng Panginoon kung nagsisinungaling ka. Alam ng Panginoon kung saan papunta ang isip mo,” seryoso niyang pahayag.
Ang hiling lang niya ngayon ay makausap niya si Claudia bago ang hearing nila sa September.