Dahil sa mainit pa rin ang isyung paglilitis ng dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ICC sa The Hague, Netherlands, tila sensitive ang supporters ng dating pangulo.
Napagdiskitahan nila kahapon sina Kim Chiu at Vhong Navarro dahil lang sa spiels na binasa nila.
Bahagi ng spiels nito, “Hindi pa dumarating ang tamang panahon para sa kanila, ang masasabi namin dasurv! Wait hindi pa ako tapos. Dasurv nyong rumesbak sa buhay!”
Obviously ang tinutukoy niya ay ang Resbak 2025 na painit nang painit na ang labanan (sa It’s Showtime).
Kaya lang ‘yung katagang “dasurv” ay ikinonek ng karamihang maka-Duterte na sa dating pangulo ito tinutukoy.
Pinutakti ng bashing si Kim at may death threat pa ang iba.
Kaya nag-trending kahapon ang hashtag na Protect Kim Chiu At All Cost.
Marami naman ang nakaintindi na walang ibang tinutukoy doon sa binasang spiels at wala namang ibang pinaparinggan.
Kaya magkakasunod ang post ni Kim Chiu sa kanyang X account na huwag na raw siyang idamay sa mga ganung isyu dahil marami raw siyang pinagkakaabalahan, lalo na’t malapit na ang showing ng pelikula nila ni Paulo Avelino.
Isa rito ay “Mahalaga po mag-#FactCheck bago manghusga at akusahan ang isang tao. Let’s all be responsible citizens. Magtulungan tayo wag magsiraan. God bless po ang lahat.”
Ganundin si Vhong na napa-post sa kanyang X account ng spiels na binasa niya.
Ang sabi ng comedian/TV host, “Ako po ay nagtatrabaho lang at binasa ko lang ang spiels ko. Wala po akong masamang intensyon. Love and peace!”
Sumasabay sa init ng panahon ang mainit na isyung hinaharap ng ating bansa.
Paolo, pumayag kay Beauty
Aliw ang post ni Paolo Contis sa kanyang social media account ng “#BeautyContis #soon.”
Finally ay magtatambal na rin sina Beauty Gonzalez at Paolo Contis sa isang pelikulang ipo-produce ng 3:16 Media Productions ni Madame Len Carillo.
Kukunan ang kabuuan ng pelikula sa Vietnam na ididirek ni Sid Pascua.
Bale pangalawang movie na itong gagawin ni Paolo sa 3:16 Media at natutuwa siya dahil naging close na niya ang nasa production lalo na si Madame Len.
Ito ang producer ng pelikulang ginawa niya sa New Zealand na dinirek ni Louie Ignacio.
“That’s why when they called me para gawin itong pelikula sa Vietnam with Beauty Gonzalez, I was very excited. Nabasa ko na ang script, it’s fun, it’s light. I’m very thankful na kinuha nila ako ulit,” pakli ni Paolo.
Thankful naman siya sa GMA 7 dahil tuluy-tuloy na ang ginagawa niya ngayon sa network.
Nagsimula na siyang mag-taping sa Mga Batang Riles, at tuluy-tuloy pa rin ang Bubble Gang niya.
Tinanong na rin namin na napapadalas ang pagkikita nilang mga magkaibigan sa Tabing Ilog na sina John Lloyd Cruz at Patrick Garcia.
Mukhang may pinag-uusapan silang project na pagsasamahan nilang tatlo. “Hindi mawawala ‘yung plano. Ang sa amin, siyempre napapag-usapan, we always think what we want to do something.
“Ngayon ‘pag mag-materialize, bakit hindi? Pero hindi kami nagkikita dahil ang purpose namin ay magtrabaho na magkakasama ‘di ba?
“Actually, naging maganda ‘yung weekly nagkikita kami. It’s very you know… na parang ang saya-saya na nakapagkita kami, nakakuwentuhan ng mga bagay-bagay,” saad ni Paolo.
Mukhang handa naman si Lloydie na magpaka-active uli sa pag-arte. “Alam mo si John Lloyd, hindi mawawala ‘yung pagiging aktor, ‘yung pagiging artist niya.
“I think, we will just take the right project, the right cast, for him to want to really work. Hindi mawawala ‘yun. Nasa dugo na ni John Lloyd ang pagiging artista. I think siyempre sa rami ng mga nagawa na niya, ang gusto naman niya iba-iba,” sabi pa ni Paolo Contis.