NCCT, Knowledge Channel Foundation, makikipagbatuhan sa mental health ng kabataang Pinoy!

MANILA, Philippines — Makwelang kwentuhan at nakaaaliw na apat na bagong programa para sa kabataang Pinoy tungkol sa mental health at pagpapahalaga sa sarili ang inihatid ng National Council for Children’s Television (NCCT) at Knowledge Channel Foundation, Inc. (KCFI) noong Martes (March 11) sa Knowledge Channel.
Itinampok sa Knowledge Channel ang bagong shows na Lakbay Isip, Tropa Peeps, OK AKO, at Friendship Puzzles, katuwang ang National Endowment Fund for Children’s Television (NEFCTV), na mapapanood tuwing Martes, Huwebes, at Sabado.
Ayon kay KCFI President at Executive Director Rina Lopez, layunin ng mga programang ito na gawing mas malapit sa puso ng kabataan ang mahahalagang usapin sa tulong ng makabuluhang sanib-pwersa ng KCFI at NCCT.
Alamin kung paano naapektuhan ng pandemya ang social life ng mga kabataan dahil sa mga lockdown at matutuhang malayang ipahayag ang sarili sa Lakbay Isip at tuklasin ang mga kwentong magliligtas sa magkaibigan mula sa masamang epekto ng pang-aabusong sekswal sa Tropa Peeps.
Samantala, makaka-relate sa masayang batuhan ng spoken word poetry tungkol sa mental health sa OK AKO, at sumama sa kwentuhan ng barkada tungkol sa sanhi at lunas sa mental health, depression, panic attack, at anxiety sa Friendship Puzzle.
Huwag palampasin ang mga palabas na ito sa Knowledge Channel na available sa digital free TV, cable, direct-to-home satellite DTT, at iWantTFC.
- Latest