Heart, nakapasok sa top rank ng Men’s Fashion Week

Sosyal si Heart Evangelista. Parang unlimited ang rampa sa Paris Fashion Week base sa mga post niya.
Parang lahat ng brand, invited siya, including Hermes show.
Bukod pa sa nanguna ang Filipina fashion influencer bilang Top Celebrity, No. 1 spot sa 2025 Paris Haute Couture Week ranking.
Batay sa datos na inilabas kamakailan ng Launchmetrics, nalampasan pala ni Heart ang mga miyembro ng Blackpink na sina Jennie at Jisoo, na pumangalawa at pangatlo, ayon sa pagkakasunod.
Base pa sa data ng Launchmetrics, nakabuo siya ng $3.8 million media impact value (MIV) upang manguna sa listahan, habang si Jennie ay nakakolekta ng $3.7 million MIV at Jisoo, $2.4 million MIV.
Bukod sa mga nabanggit, nakuha ng Thai singer-actor na si Jeff Satur at South Korean actress-model na si Go Youn-jung ang pang-apat at ikalimang puwesto na may $2.3 million MIV at $1.3 million MIV, ayon pa rin sa pagkakasunod.
Samantala, sa hiwalay na rank para sa Men’s Fashion Week, si Heart ang nag-iisang babae sa listahan, na nakagawa ng $6.4 million MIV at napunta sa ikatlong puwesto.
Well, naipako na ni Heart ang kanyang puwesto bilang isang influential figure sa fashion industry sa buong mundo.
Noong nakaraang taon, nanguna rin siya sa celebrity ranking sa Paris Fashion Week matapos maghatid ng $10.6 million MIV.
- Latest