Jolina, nami-miss ang talk show

Jolina Magdangal
STAR/File

Magkahalong emosyon ang nararamdaman ni Jolina Magdangal dahil nalalapit na ang pagtatapos ng Lavender Fields na pinagbibidahan ni Jodi Sta. Maria. Ginampanan ni Jolina ang karakter ni Lily Atienza sa mag­wawakas na proyekto.

Isang masayang karanasan para sa aktres ang muli niyang paggawa ng serye. “Mami-miss ko talaga sila. ‘Yung samahan kasi ang tagal kong hindi nag-soap (ope­ra). ‘Yung mga nasa taping, ‘pag walang ginagawa nagkukwentuhan. I can say na parang mas nakikilala mo ‘yung mga tao kapag nakakakwentuhan mo. Thankful ako sa Dreamscape na na-consider ako for this dahil may mga bagong direktor ako na naka-work,” pagbabahagi ni Jolina.

Ayon sa actress-singer ay talagang malaki na ang ipinagbago sa paggawa ng mga serye ngayon kumpara noon. “Nakita ko na talagang mas pwedeng limited, eight episodes na lang. or ‘yung iba sabihin natin 100 episodes (katulad ng Lavender Fields). Pero ‘yung weeks ng taping namin, nine or ten weeks lang. Trabaho kung trabaho, tapos pa­hinga na. Dati parang sobrang tagal talaga. Ngayon mas pwede mo iplano ‘yung mga days mo, mga months mo lalo na kung may anak. Natuwa ako sa ganitong environment,” giit niya.

Aminado si Jolina na hinahanap-hanap na rin niya ngayon ang pagiging talk show host.

Matatandaang pitong taong napanood ang Magandang Buhay kung saan ay kasamahang host din ni Jolina sina Melai Cantiveros at Karla Estrada.

Pinalitan naman ni Regine Velasquez-Alcasid bilang host sa naturang morning show si Karla pagkalipas ng limang taon. “Siyempre nami-miss ko ‘yung ‘Magandang Buhay’ dahil iba rin ‘yung kinikilala mo ‘yung artista ngayon. Ano pinagdadaanan nila ngayon sa mundo ng social media? Nakakagulat lang pero mas nakakatao,” paliwanag niya.

Julie Anne, may bagong inspirasyon

Dalawang parangal ang nakamit ni Julie Anne San Jose mula sa 37th Aliw Awards na ginanap kamakailan. Nasungkit ng dalaga ang Best Collaboration in a Concert award dahil sa matagumpay na concert nila ni Stell ng SB19 na Julie x Stell: Ang Ating Tinig noong isang taon. Si Julie Anne din ang itinanghal na Entertainer of the Year sa naturang event. “Unang-una po sa lahat nagpapasalamat ako sa Panginoon sa lahat ng bagay na natanggap ko for 2024. And siyempre nagpapasalamat po ako sa Aliw Awards. Napakalaking karangalan po nito para sa akin,” nakangi­ting pahayag ni Julie Anne sa 24 Oras.

Para sa nakila­lang Asia’s Limitless Star ay magsisilbing inspirasyon niya ngayong taon ang mga nakuhang parangal. Bukod sa mga concert ay magiging abalang muli si Julie Anne para sa isang bagong serye. (Reports from JCC)

Show comments