Catriona, may kampanya sa mga baliko ang likod!

Catriona Gray
STAR/File

Tumutulong ang former Miss Universe na si Catriona Gray para maipataas ang kaalaman tungkol sa scoliosis.

Nakipag-partner siya sa Scoliosis Philippines at ibinahagi niya ang tungkol sa mga pinagdaanan niya sa habang meron nito kung saan maraming beses siyang nakaramdam ng insecurity sa kanyang katawan.

Sa edad na 12 ay na-diagnose siyang meron nito at huli na raw para sa brace. Kaya importante raw talaga na malaman ito nang maaga upang makapagpagamot agad.

Maraming beses na raw niyang tinitingnan ang sarili sa salamin o titingnan niya ang kanyang litrato o ‘di kaya’y magsusukat siya ng damit kung saan nahahalata ito ay nakakaramdam daw talaga siya ng pagka-insecure.

Naranasan niyang ma-bodyshame lalo na noong sumasali siya sa pageant dahil sa “unflattering” angles na nagagawa ng kanyang katawan dahil sa kondisyon na abnormal curvature ng spine.

Dahil sa mga pinagdaanan ay nakipag-partner siya sa Scoliosis Philippines ngayong ipinagdiriwang ang International Scoliosis Day para mas maipakalat ang kaalaman tungkol dito at maagapan lalo na sa kabataan.

Kaya naman may kampanya siya para mas madali at simpleng paraan para malaman kung meron nga nito, at ito ay #StripesFitCheck. Magsuot lamang ng fitted, striped shirt at tingnan kung may mapapansing kakaiba sa katawan.

Umaasa siyang sa pagbahagi niya ng sariling kwento ay mas marami siyang ma-inspire na mga taong gaya niyang merong scoliosis na hindi nito kailangang malimitahan ang kakayahan ng isang tao para maabot ang pangarap.

“I hope in my story, you can find the encou­ragement. That despite chronic pain, different shapes and sizes, proportions, and angles you are capable of whatever dream arises in your heart. We’re #BentButNotBroken,” bahagi ng Miss Universe 2018 sa kanyang post tungkol dito kung saan nag-demo pa siya kung paano gawin ang #StripesFitCheck.

Marami naman ang nagpasalamat sa binahagi niya dahil nakakatulong daw talaga ang kampanya at marami rin ang naka-relate.

May mga humingi rin ng tawad sa kanya dahil isa sila sa pumuna sa katawan nito noon.

Show comments